Minsan, kapag ang ating emosyon ay parang sasabog na sanhi ng galit, tulad nang nangyari sa 19 na sundalo na pinatay sa Mindanao nang walang malinaw na dahilan, ang pabiglang hakbang natin ay maghanap ng katarungan.
Wala namang mali sa hangaring maghanap ng katarungan. Ngunit ang mahalaga ay ang pamamaraan na pagsagawa ng naturang hangarin, at kung ito’y makatao at magdudulot ng kabutihan.
Maaaring may dahilan na gumamit ng military action sa kaso ng pagkapatay ng 19 na sundalo sa Mindanao.
Isang walang humpay na pagtugis ang pwedeng isagawa at di maglalaon, makokorner din ang mga salarin, madarakip, at maihaharap sa korte.
Maaaring makagaan ito sa kalooban ng mga pamilya ng mga nangasawing sundalo, pati na ang damdamin ng mga kasama sa kasundaluhan na hangga ngayo’y tumatangis sa pagkawala ng mga kahanay sa labanan.
Subalit ang higit na nararapat ay ang matingnan ang krisis sa kung ano talaga ito, at kung paano ba dapat ayusin ng isang gobyerno na ang sandigan ay batas.
Sa pananaw ko ang pangunahing isyu ngayon ay hindi ang military action at all-out war upang magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng 19 na sundalo. Ang problema ngayon ay ang abnormal na sitwasyon sa area of conflict kung saan mayroon pang ibang mga biktima, mga biktima ng bakbakan na nagaganap doon.
Sila ang mga naging biktima ng kaguluhan sa Mindanao. Sila’y mga buhay pa ngunit nabubuhay sa takot kaya’t nagsusumiksik kung saan saan, makalayo lamang sa putukan ng baril at pagsabog ng mga kanyon at granada.
Ngayon, sino ang magbibigay ng atensyon sa kanila kung ang prayoridad ng gobyerno ay all-out war laban sa mga responsable sa pagkakapatay ng 19 na sundalo?
Ang problema ay kung paano mapapanumbalik ang katahimikan sa Mindanao, at kung paano ito mapapanatili, upang maging normal ang takbo ng buhay ng mga residente doon at magkaroon sila ng kabuhayan.
Kapag ito ay naisakatuparan, makakamit na rin ang katarungan sa pagkamatay ng 19 sundalo, maging ang iba pang mga sundalo at pulis na nagbuwis ng buhay sa ngalan ng serbisyo para sa ating gobyerno.
Dapat nating tandaan na ang pagsasanay ng mga sundalo at pulis ay upang ihanda sila tungo sa pagtatanggol ng kapayapaan, at hindi upang manalo lamang sa gera at maigupo ang mga kalaban. Sapagkat sa bawat kalaban na napatay, may panibagong kalaban na papalit dito.
Ang hiling ko ay maging mapayapa tayo at huwag mainip sa pagkakaroon ng hustisya sa pagkamatay ng 19 na sundalo. Tutugisin sila ng ating pwersa, hahanapin saan mang sulok sila nagtatago, ngunit ang pangunahing pokus dapat ay magkaroon muna ng katahimikan sa Mindanao.
Huwag nating sayangin ang buhay na isinakripisyo ng ating mga sundalo dahil ang pangunahing dahilan ng pagbuwis ng buhay ay matamo ang kapayapaan.
Hindi tayo dapat malihis sa pangunahing hangarin na magkaroon ng kaayusan. Makibahagi tayo sa panawagan ng Pangulong Aquino na ipagpatuloy ang usapang kapayapaan at huwag sumang-ayon sa mga panawagang all-out war.
Sa bandang huli, ang magdudulot ng kapayapaan sa Mindanao ay hindi bala at kanyon, kundi ang pagkilala at pag-unawa sa tunay na sanhi ng problemang pangkapayaan. Kapag nangyari iyon, makakamit natin ang katarungan para sa mga 19 na unipormado na nagbuwis ng buhay bilang mga sundalo ng kapayapaan.