Service vehicles na kaloob ni nanay
At governor Delta sa mga barangay
Nagagamit kaya sa tama’t mahusay?
Ayon sa atas ng dito ay nagbigay
Gobernador Delta ay may pakiusap
Sa punong barangay at mga kagawad
Na ang sasakyan ay laging handa dapat
Buong isang linggo’t beinte kwatro oras
Paalala pa rin ni Governor Delta
Sa mga kapitan sa buong Pampanga
Na ang behikulo ay gamitin nila
Ng naaayon sa kanyang direktiba
Dahil ang sasakyan ay for public service
Sa wastong paraan lang dapat magamit
Isang halimbawa ay ang paghahatid
Sa mga hospital sa taong may sakit
O kaya sa mga mahalagang bagay
Opisyal na lakad ng punong barangay
Sa mga kagawad na magse-seminar
Upang makarating sa paroroonan
Sa ibang barangay ginagamit ito
Ng ilang kagawad kapitan del baryo
Sa mga araw ng Sabado at Linggo
Upang sa okasyon sila’y makadalo
Tulad ng kasalan, fiestahan at binyag
At ilang okasyon na di nararapat
Sa mga layunin ng serbisyong tapat
Ito ay tahasan na sumasalungat
Ang nagiging puna ng nakararami
Sa pagkakataon na may EMERGENCY
Ang barangay service ay wala parati
Kung saan nagtungo di nila masabi
Paano na lamang kung may nagkasakit.
O naaksidente walang magagamit
Kung ang sasakyan ay naroon sa Subic
Na ginamit lamang upang makapag-beach
Minsan sinasakyan pang-sundo sa airport
Basta “THE PRICE IS RIGHT” usapan ay tapos
Lalo ang sinundo ay may iaabot
Ng pasalubong na nanggaling sa abroad
At ang hinaing pa ng maraming tao
Ang barangay service kapag ginamit mo
Bukod sa ikaw na ang magpapa-krudo
Babayaran mo pa ang magmamaneho
Di ba ang driver ay sumasahod naman?
Na galing sa pondo nitong ating bayan
Bakit kailang pang driver ay bayaran?
At pa-kruduhan ang nasabing sasakyan
Nasa mga tao naman ang desisyon
Kung bibigyan nila ng konsiderasyon
Ang nagmalasakit at mga tumulong
Kahit yan ay hindi nila obligasyon
Malinaw naman ang naging direktiba
Ni governor Dennis at Nanay Pineda
Ang mga sasakyan ay kaloob nila
Sa mga “KABALEN” ng buong Pampanga