Mga senador ipinagdasal ng mga Bulakenyo sa paghatol kay Corona

    347
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Nawa ay gabayan kayo ng Banal na Espiritu.

    Ito ang buod ng panalangin ng mga simbahang sa ilalim ng Diyosesis ng Malolos noong Linggo para sa mga Senador na magbibigay ng hatol kay Punong Mahistrado Renato Corona ngayong Martes.

    Ang panalangin ng diyosesis ay kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Pentecostes kung kailan bumaba ang Banal na Espiritu ayon sa Bibliya.

    Ayon kay Obispo Jose Francisco Oliveros, napapanahon ang pananalangin para sa mga senador na gabayan ng Banal na Espiritu.

    Ito ay upang mabigyan ng sapat na talino at liwanag ng isip ang mga senador sa pagbibigay ng hatol kay Corona.

    “This is a historic event in our country and opportunity to tell the people the truth,” ani ng Obispo.

    Bukod sa mga senador, ipinagdasal din ng mga simbahan ang sambayanang Pilipino.

    Ito ay upang matanggap ng bawat isa anuman ang magiging hatol  sa punong mahistrado.

    Ayon kay Oliveros, ang paglilitis ng Senado kay Corona ay naging dahilan upang magkahati-hati ang pananaw ng mga Pilipino.

    “Let us not be partisan, let jus seek the truth and accept it,” ani ng Obispo.

    Kaugnay nito, nagpahayag din ng magkakasalungat na pananaw ang mga Bulakenyo sa magiging hatol kay Corona.

    May mga nagsasabing matatalo si Corona, ngunit ilan namang ang nagsabi posibleng manalo ang punong mahistrado.

    Maging ang ilang pulitiko ay nagpahayag din ng kanilang pananaw na ang mga senador ay maaaring magdesisyon ayon sa kanilang kinabibilangang partido.

    “The trial was like a show, but at the end of the day, what matters is the vote of the senators,” ani ng isang pulitikong humiling na huwag ipabanggit ang pangalan.

    Sinabi pa ng pulitiko na anuman ang maging desisyon ng Senado, hindi si Corona o ang sambayanang Pilipino ang mananalo kundi ang mga senador na muling kakandidato sa 2013.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here