LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Patuloy na hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga sari-sari store owner sa Nueva Ecija na lumahok sa libreng webinar series na “Tindahan Mo, e-Level Up Mo!”
Ito ay isang advancement program ng ahensya na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga sari-sari store owner partikular sa mga makabagong digital solution para sa paglago ng negosyo; mga digital product para sa dagdag na kita; at mga praktikal na financial, marketing, at sustainability tips para sa pagpapatakbo ng tindahan.
Ayon kay DTI Nueva Ecija Provincial Director Richard Simangan, binubuo ng limang module ang webinar series na bukas para sa lahat ng nagmamay-ari ng sari-sari store.
Aniya, inilunsad ang programa sa buong bansa noong ika-26 ng Hunyo, kung saan tinalakay na ang unang module na “e-Level Up ang Negosyo”.
Bagamat natapos na ang unang module, patuloy pa rin na hinihimok ng ahensya ang lahat ng sari-sari store owner sa lalawigan na sumali sa programa.
Sinabi ni DTI Nueva Ecija Consumer Protection Division Chief Romeo Eusebio Faronilo na maaaring balikan at panoorin ang unang module sa DTI Philippines Facebook Page para sa mga nagnanais lumahok na hindi nakasubaybay rito.
“Ang link po natin ay nasa DTI Philippines [Facebook page]. Makikita niyo po ang unang module doon upang hindi tayo mahuli hanggang sa makita natin ang mga susunod na module,” ani Faronilo.
Tatalakayin ang ikalawang module na “e-Level Up ang Online Marketing” sa ika-24 ng Hulyo, at ang ikatlong module naman na “e-Level Up ang Puhunan” ay sa ika-28 ng Agosto.
Samantala, ang ikaapat na module na “e-Level Up ang Paninda” ay tatalakayin sa ika-25 ng Setyembre, at ang panghuling module naman na “e-Level Up ang Operations” ay sa ika-23 ng Oktubre.
Binanggit ni Faronilo na ipopost rin sa DTI Nueva Ecija Facebook page ang iskedyul ng bawat module bilang paalala sa mga nagnanais lumahok, kalakip na ang mga link kung saan ito mapapanood.
Kanyang binigyang-diin na ang programang “Tindahan Mo, e-Level Up Mo!” ay bahagi ng pagpapahalaga ng ahensya sa mga sari-sari store owner, gayundin ay upang matulungan itong umunlad.
Ang mga interesadong sumali ay kinakailangan lamang tumutok sa DTI Philippines Facebook Page o YouTube channel upang mapanood ang livestream.
Kung wala namang sariling gadget o internet connection para makapanood, maaaring pumunta sa DTI Nueva Ecija Provinicial Office o sa mga piling Negosyo Center sa lalawigan upang masubaybayan ang livestream.
Higit isang milyong sari-sari store owner sa buong bansa ang target ng ahensya na matulungang umunlad sa pamamagitan ng programang ito. (CLJD/MAECR, PIA Region 3-Nueva Ecija)