LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Kabilang ang mga Persons with Disabilities (PWDs) sa mga prayoridad na tinutulungan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan sa Nueva Ecija.
Sa idinaos na pagpupulong ng Provincial Council on Disability Affairs ay inilahad ng mga kagawaran ng pamahalaan ang mga kasalukuyang isinusulong na programa para sa mga may kapansanan.
Ayon kay Nueva Ecija Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Chief Ariel Sta. Ana, mahalaga na regular napag-uusapan ang mga programang naaayon sa mga pangangailangan ng mga PWDs na makatutulong upang mapagaan ang kanilang pamumuhay.
Kaniyang iniulat na patuloy ang pamamahagi ng kanilang tanggapan ng mga assistive devices tulad ng wheelchair, crutches, walker, hearing aid at iba pa, gayundin ang pagdaraos ng mga kasanayang pangkabuhayan na magagamit sa pagsisimula ng negosyo.
Ibinalita rin mismo ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Provincial Director Elpidio Mamaril, Jr. ang iba’t ibang scholarship program na maaaring mapakinabangan ng mga kababayang kabilang sa sektor.
Ilan dito ay ang Training for Work Scholarship Program, Special Training for Employment Program, Tulong Trabaho Scholarship Program, at Rice Extension Services Program.
Nagbibigay din ng tulong pinansiyal ang TESDA sa mga karapat-dapat na mga estudyanteng naghahangad makapag-aral ng mga kursong bokasyonal sa ilalim ng kanilang programang Private Education Student Financial Assistance.
Kaugnay pa rin nito ay ibinahagi naman ni Department of Education (DepEd) Nueva Ecija Schools Division Office Senior Education Program Specialist Joel Cruz na umaabot na sa humigit kumulang 1,500 ang mga PWD learners sa lalawigan na nabebenepisyuhan sa Special Education Program.
Aniya, patuloy na nakaalalay ang kagawaran sa mga estudyante at mga kawani na may kapansanan sa pamamagitan ng pagsusulong ng iba’t ibang wellness services.
Nakabukas ang tanggapan ng DepEd upang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan o pribadong tanggapan upang mabigyan ng wastong pagsusuri ang mga nasasakupang PWD learners.
Ayon naman kay Department of Labor and Employment Nueva Ecija Field Office Labor and Employment Officer III Ester De Lara ay laging kasama ang mga PWD sa mga ipinatutupad na programa sa lalawigan tulad ang Special Program for Employment of Students, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers at iba pang livelihood programs.
Pareho rin ang ipinahayag ni Provincial Public Employment Service Office Chief Maria Luisa Pangilinan na mayroong maaasahang opisina ang mga PWDs sa lalawigan ng Nueva Ecija partikular sa paghahanap ng trabaho o hanapbuhay.
Ibinahagi naman ni Janikha Ann Linsangan ng Department of Trade and Industry Nueva Ecija Provincial Office na kabilang ang sektor sa mga napagkalooban ng livelihood kit tulad ng bigasan at sari-sari store package gayundin ay patuloy na nakaalalay ang ahensiya sa mga nais magsimula ng negosyo.
Sa bahagi naman ng pagsasaka ay binanggit ni Shirley Sta Ana ng Office of the Provincial Agriculturist na maaaring maka-avail ang mga PWDs sa mga ibinababang programa ng kagawaran tulad sa agribusiness and marketing program, crop protection, farm mechanization at iba pa.
Handa namang tumulong ang Nueva Ecija 1st at 2nd District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways sa mga tanggapan o ahensiyang nangangailangan ng wastong disenyo para sa pagpapatayo ng pasilidad na ligtas at akma para sa mga PWDs.
Nakasubaybay naman ang Department of the Interior and Local Government sa mga programa ng bawat lokal na pamahalaan hinggil sa pagsusulong ng kapakanan ng mga may kapansanan tulad ang pagtataguyod ng PDAO, pagkakaroon ng focal person, at paglalaan ng pondo para sa iba’t ibang programa para sa sektor.
Samantala, ibinahagi naman ng Philippine Information Agency na patuloy nakaagapay ang ahensiya sa pagpapalaganap ng mga mahahalagang impormasyon patungkol sa mga programa na makatutulong sa pamumuhay ng mga may kapansanan.
Bukod sa pag-uulat ng mga inisyatibo at gampanin ng bawat kagawaran ay tinalakay na rin sa isinagawang pagpupulong ang mga paghahanda para sa nalalapit na paggunita ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week sa susunod na buwan. (CLJD/CCN-PIA 3)