Home Headlines Mga PWD, mahalagang maitala sa PRPWD System ng pamahalaan

Mga PWD, mahalagang maitala sa PRPWD System ng pamahalaan

744
0
SHARE

LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Mahalaga na maitala ang mga taong may kapansanan sa Philippine Registry for Persons with Disability (PRPWD) System ng Department of Health (DOH).

Ito ang binigyang diin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa katatapos na paggunita ng ika-45 National Disability Prevention and Rehabilitation Week sa Nueva Ecija.

Sinabi ni PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO) Gapan Head Angelito Creencia na ang PRPWD System ay itinakda ng pamahalaan upang magkaroon ng talaan ng mga taong may kapansanan na nabigyan ng Persons with Disabilities (PWD) card.

Ito rin aniya ang pinagbabasehan ng mga ahensya ng pamahalaan patungkol sa mga kailangang isulong na programa at serbisyo para sa nabanggit na sektor.

Inihalimbawa rito ni Creencia ang kapakinabangan ng PRPWD System upang madaling mabigyan ng libreng PhilHealth coverage o membership ang mga taong may kapansanan.

Nakipagpulong si Philippine Health Insurance Corporation Local Health Insurance Office Gapan Head Angelito Creencia (kaliwa) sa mga lokal na pamahalaan partikular sa tanggapan ng mga Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa Nueva Ecija upang maipaliwanag ang mga serbisyo na inihahatid ng ahensiya at mabigyan ng libreng PhilHealth coverage o membership ang mga taong may kapansanan. (PDAO Guimba File Photo)

Kinakailangan lamang humiling ng punong ehekutibo sa DOH upang libreng magkaroon at maituro ang paggamit ng PRPWD System sa tanggapang mangangasiwa sa lokal na pamahalaan.

Sa pamamagitan nito ay madali na lamang maitatala bilang miyembro ng PhilHealth ang mga PWD na kwalipikado sa maraming serbisyo hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa mga idedeklarang dependents.

Ayon kay Creencia,  ang lahat ng mga miyembro ng PhilHealth at idineklarang dependents ay kwalipikado sa mga serbisyo na kailangan sa pagpapagamot tulad ng inpatient benefits, outpatient benefits, konsulta package, Z benefit package at iba pa.

Sa kasalukuyang ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa mga lokal na pamahalaan upang maitala bilang miyembro ng PhilHealth ang mga nasasakupang PWD sa lugar.

Para sa iba pang detalye ng mga programa ng PhilHealth ay maaari makipag-ugnayan sa himpilan ng LHIO Cabanatuan na (044) 940-3723 at sa LHIO Gapan na may numerong (044) 486-9570. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here