Home Headlines Mga programa para sa mga PWD sa Nueva Ecija inilahad

Mga programa para sa mga PWD sa Nueva Ecija inilahad

340
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Inilahad ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan ang mga programa at serbisyo na inilalaan para sa mga Persons with Disability (PWD) sa Nueva Ecija.

Ito ay bilang tampok sa kamakailang paggunita ng National Disability Rights Week sa lalawigan.

Sinabi ni Persons with Disability Affairs Office Nueva Ecija Provincial Head Ariel Sta. Ana, mahalaga ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong tanggapan sa pagsusulong ng karapatan at pribilehiyo na dapat matamasa ng mga PWD.

“Sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang magkasama ng iba’t ibang sangay ng gobyerno at pribadong tanggapan ay nasisiguro ang pagkakaroon ng access ng mga PWD sa mga kailangang programa tulad sa edukasyon, kalusugan, pangkabuhayan at iba pa,” pahayag ni Sta. Ana.

Kabilang sa mga ipinaliwanag ang ginagawang pamamaraan ng Department of the Interior and Local Government para masiyasat ang pagtugon ng mga lokal na pamahalaan, health at education facility, at iba pang tanggapan sa mga pangangailangan ng sektor.

Nakatutok naman ang Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center at Provincial Health Office sa paghahatid ng libreng serbisyong medikal na kailangan ng mga kababayan.

Kaugnay nito ay nagsagawa ng mobile registration at paggawad ng identification card ang Philippine Health Insurance Corporation para sa pagpapatala sa kategoryang PWD na layuning makatulong sa mga gastusin sa pagpapagamot o pagpapa-ospital ng mga mamamayang kabilang sa sektor.

Tampok sa selebrasyon ng National Disability Rights Week ang paghahatid ng mga libreng serbisyo para sa mga Person with Disabilities sa Nueva Ecija. Kabilang na rito ang pagbibigay ng libreng konsultasyong medikal at mga gamot. Nagkaroon din ng libreng gupit, pedicure, massage, pamamahagi ng food packs, fruit tree seedlings, assorted vegetables seeds, at mushroom fruiting bags para sa mga nakiisa sa pagdiriwang. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Sa idinaos na programa ay hinikayat ng Technical Education and Skills Development Authority, Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, Provincial Public Employment Service Office, at Ako ang Saklay, Inc. ang mga kababayang may kapansanan na lumahok sa mga programang pangkabuhayan at pagsasanay lalo na ang mga nais magkaroon ng dagdag na hanapbuhay at kita.

Ibinahagi rin ng Philippine Information Agency at Wesleyan University- Philippines ang mga inisyatibo sa pagsusulong ng karapatan ng mga PWD sa lalawigan.

Maliban sa paglalahad ng mga programa para sa mga PWD ay tampok din sa idinaos na okasyon ang paghahatid ng libreng konsultasyong medikal, mga gamot, at iba pang libreng serbisyo tulad ng gupit, pedicure, at massage.

Bukod pa ang pamamahagi ng food packs, fruit tree seedlings, assorted vegetables seeds, at mushroom fruiting bags para sa mga nakiisa sa pagdiriwang.

Hindi naman mawawala sa kasiyahan ang pagpapakitang husay at talento ng mga PWD sa pag-awit, pagguhit, at isport na tampok din sa programa.

Samantala, sumentro ang pagdiriwang sa temang “Promoting Inclusion: Celebrating Abilities and Advocating Access,” na taun-taon ay ginugunita sa buong bansa. (CLJD/CCN, PIA Region-3 Nueva Ecija)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here