Home Headlines Mga programa ng Pag-IBIG Fund ikinakampanya sa mga TNVS rider sa Nueva...

Mga programa ng Pag-IBIG Fund ikinakampanya sa mga TNVS rider sa Nueva Ecija

434
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Inilalapit ng Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch ang mga programa at serbisyo sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) rider sa Nueva Ecija.

Kabilang na rito ang Housing Loan Program para sa mga nais magkaroon ng sariling bahay.

Ayon kay Branch Head Reynante Pasaraba, kabilang ang sektor sa mga hinihikayat na maging miyembro upang maka-avail ng mga benepisyo at pribilehiyo na kanilang magagamit lalo na sa oras ng pangangailangan.

Maliban aniya sa Housing Loan Program ay mayroong inaalok ang ahensiya na Short-Term Loan, Calamity Loan Program, at kung kinakailangan ay tutulong ang Pag-IBIG Fund sa mga nais maging benepisyaryo ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon.

Hinihikayat din ni Pasaraba ang mga TNVS rider at partner-drivers ng mga app-based logistic company sa Nueva Ecija at Aurora na huwag sayangin ang pagkakataon na makasali sa Asenso Rider Raffle Promo ng kagawaran.

Layunin aniya ng programa na ikampanya sa sektor ang kahalagahan ng pagiging aktibong miyembro at ang patuloy na paghuhulog sa membership savings upang maging kwalipikado sa mga benepisyo at programa ng Pag-IBIG Fund.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch sa mga Transport Network Vehicle Service rider sa Nueva Ecija upang maging pamilyar sa mga programa at serbisyo ng ahensiya tulad ang Housing Loan Program, Short-Term Loan, Calamity Loan at ang kasalukuyang programa na Asenso Rider Raffle Promo na maaari nilang salihan. (Pag-IBIG Fund Cabanatuan)

Ang nasabing raffle promo ay bukas pa rin hanggang ngayon na maaaring salihan ng mga nabanggit na rider na kung saan maaari silang manalo ng alinman sa mga papremyo tulad ng brand new motorcycle, smartphone, at P20,000 cash prize sa susunod na preliminary draw.

Maaari rin silang umabot hanggang sa grand draw na kung saan dalawang Pag-IBIG Asenso Rider Package ang ipamimigay sa buong bansa na ang bawat isa ay kinapapalooban ng brand new motorcycle na mayroong libreng rehistro, dalawang helmet, raincoat, thermal delivery bag at P500 fuel voucher, mayroon ding ipamimigay na smartphone at P20,000 cash prize.

Pahayag naman ni Members Services Officer Gladys Ann Arada, para makasali sa programa ay kinakailangang nakapaghulog ang mga rider ng kaukulang halaga para sa kanilang Pag-IBIG Regular Savings.

Para makasali sa susunod na preliminary draw ay kinakailangang nakapaghulog ang rider ng hindi bababa sa P100 sa kanilang Pag-IBIG Regular Savings mula Abril 1 hanggang Setyembre 30 ng taong kasalukuyan.

Sa grand draw naman ay dapat nakapaghulog sila ng hindi bababa sa P400 simula Hunyo 1 hanggang sa Nobyembre 30 ngayong taon.

Ayon pa kay Arada, ang bawat P100 na hulog ay may katumbas na isang Electronic Raffle Number o ERN, kaya kung mas malaki ang hulog ay mas maraming tsansang manalo.

Sa kabilang banda ay hindi maaaring sumali sa nabanggit na raffle promo ang mga part-time TNVS riders at partner-drivers na kasalukuyang pormal na naka-empleyo sa pribado o pampublikong sektor.

Hindi rin pinapayagang sumali ang mga empleyado ng Pag-IBIG Fund at ang kanilang mga kamag-anak.

Para sa buong detalye ng promo ay bisitahin lamang ang website na https://www.pagibigfund.gov.ph/AsensoRiderMechanics/ o kaya ay magtungo sa pinakamalapit na opisina ng Pag-IBIG Fund upang matulungan sa pagsali sa programa. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here