Mga problema ng senior citizens tumatanda na rin

    1351
    0
    SHARE

    (Una sa dalawang bahagi)

    Mga kabalen
    , Senior Citizen’s Month po sa Oktubre. Buwan ng sektor edad 60 pataas.

    Palagay ko napansin ninyo na ang mga problema ng senior citizens tumatanda na rin.  Kaya maganda na kumustahin natin ang implementasyon ng batas para sa katandaan.

    Talakayin natin ang mga isyu — at mga paraan sa pagharap sa mga tumatandang problema sa sektor — ng ating mga lolo at lola, ng ating mga magulang.

    Tanong: Bakit hindi pa laganap ang pagsunod sa Expanded Senior Citizens Act?

    Bakit hindi lahat ng naatasang establisimyento ay sumusunod sa inuutos ng batas na magbigay ng mga diskwento sa niresetahang gamot at mga pangunahing pangangailangan?

    Ang problema, diumano, ay kakulangan ng ngipin sa batas.

    Napag-alaman ko, kahit may ilang nasampahan ng reklamo, wala pang nakulong o naparusahan  sa hindi pagsunod sa naturang batas. Hindi naman po natin gusto na may maparusahan o makulong. Kaya lang, tila mas matalino ang mga pasaway na restaurant, grocery, at drug store owners dahil nakalulusot.

    May sumusunod din naman sa batas, gaya ng ilang drug store chains, at resulta, ginhawa naman sa mga napagbigyang katandaan.

    Ang Mercury Drug ay sumusunod sa pagbigay ng 20% diskwento – mula nang simulan ang implementasyon ng batas para sa katandaan.

    At ‘di nagtagal nabibiyayaan ito at nakuha ang malaking bahagi ng merkado ng senior citizens, sa gamot at health care supplies. Sumusunod  ang Manson Drug, Watsons, at malalaking drug stores.

    Ang dahilan ng ibang drug store, dahil “marginal” lang ang kanilang operasyon, wala na silang kikitain kung magbibigay pa ng diskwento sa katandaan.

    Sa pagbibigay ng diskwentong 20% sa restaurant at 5% sa basic goods, ang mga establisadong grocery, restaurant, at food chains lang ang nakasusunod sa batas.

    Ngunit kailangan bang makiusap o halos “magpalimos” kung may batas naman?

    Problema din, diumano, ang delay ng gobyerno sa pagbibigay ng mga rebate sa mga tindahang  nagbibigay ng diskwento. Dapat ding masolusyunan ito sapagka’t hindi naman talaga dapat kargo ng mga negosyong ito ang isang obligasyon ng pamahalaan sa ating mga Senior.

    Minsan naman, ang LGU mismo ang ‘di nakasusunod sa utos ng batas na maglaan ng 1% ng 20% ng Internal Revenue Allotment (IRA) para sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng mga senior citizens centers. Ito ay nagsisilbing opisina ng Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines (FSCAP).

    Maraming nakasaad sa batas hinggil sa implementasyon ang hindi lubos na nasusunod. Sa bawat paglabag, tulad sa 20% diskwento sa gamot, maaaring buhay ang kapalit, o paglala ng mga karamdaman, at pagkawala ng tiwala sa gobyerno.

    Malaki ang agwat ng Pilipinas sa ibang maunlad na bansa gaya ng Amerika na nakapagbibigay, bukod sa libreng gamot, ng cash aid sa kanilang katandaan.

    Bumabalik din naman kasi sa ekonomiya ang cash aid na binibigay sa mga elderly. Dito sa atin, diskwento na lang, hindi pa maipatupad sa buong bansa.

    Kung tutuusin, walang dahilan para hindi lubos na maipatupad ang batas para sa elderly. Dahil lahat ng sanggunian sa mga LGU ay may Office of Senior Citizens Affairs (OSCA). Kaso, hindi lahat ng OSCA heads ay matibay ang kaalaman at katapatan sa kinakatawang sektor. Bakit?

    Ayon sa batas, ang paghirang ng OSCA head ay dapat dumaan sa ganitong proseso: ina-appoint ng mayor.

    Pumipili ang mayor mula sa short-list ng tatlong nominado mula sa sanggunian. 

    Ang sanggunian nama’y  pumipili ng tatlo mula sa short-list ng pitong nominado na nagmumula naman sa lokal na FSCAP. 

    Ang problema, hindi lahat ng OSCA heads sa mga LGU ay napipili ayon sa minandatong proseso ng batas.

    Ngayon, paanong ipatutupad ang batas ng katandaan sa buong bansa kung hindi lahat ng LGU ay sumusunod dito?

    Napakaganda sana ng mga layunin ng batas. Higit pa sa diskwento sa gamot, nakasaad dito ang pangangailangan ng kalinga at paggalang, maalagaan at kapag naratay sa karamdaman, mabuhay nang masigla at dignidad, makasalamuha ang kapwa, at maging produktibo. Kailangan lang talaga pag-ibayuhin ang pagmonitor ng implementasyon nito.

    Mga kabalen, magtulungan tayo at isama na sa ating mga adbokasiya ang pag-angat sa antas ng pagkilala at paglingap sa mga senior citizens.
     
    (Sundan sa ikalawang bahagi: “Mga Paraan sa Pagharap sa Tumadandang Problema”)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here