Isang kawani ng PCG habang kinukumpuni ang parola sa Brgy. Pamarawan sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Kuha ni Dino Balabo
MALOLOS—Tiniyak ng Philippine Coast Guard na masisimulan ang pagtatayo ng dagdag na parola sa Bulacan bukod pa sa pagkukumpuni ng katulad na pasilidad.
Ito ay matapos ang may dalawang taong panawagan ng mga mamamayan sa baybayin ng Bulacan, at halos isang buwan matapos muling mapailaw ng Sigla Movement of the Philippines (SMP) ang parola sa Barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy.
Sa kasalukuyan, dalawa na lamang ang nalalabing parola sa lalawigan, samantalang apat ang planong itayo ng PCG.
Ayon kay Antonio Villamin, Jr., ang navigational safety supervisor ng PCG-National Capitol Region (NCR) District, apat ang pinamamahalaan nilang parola sa baybayin ng Bulacan.
Ang mga ito ay matatagpuan sa Barangay Binuangan, Obando; Barangay Pamarawan, Malolos, at sa mga Barangay Pugad at Tibaguin sa Hagonoy.
Sa apat na nabanggit na parola, tanging ang nasa Pamarawan at Pugad ang may ilaw kung gabi.
Ang nasa Binuangan ay kukumpunihin at itatayo, samantalang ang nasa San Roque ay nabuwal noong nakaraang taon.
Ang nasa Pugad na pinailaw ng SMP sa pangunguna ni Dax Uy ay mabuay na dahil durog na ang pundasyon nito ay kailangan na ring ilipat.
Sinabi ni Villamin na inirekomenda na nila ang pagkukumpuni at pagtatayo ng bagong parola, kabilang na ang ipinanukalang parola sa Barangay Masukol sa bayan ng Paombong.
“It will be in the pipeline soon because we already recommended the immediate reconstruction,” ani Villamin ng makapanayam matapos ang pagkukumpuni sa parola sa Barangay Pamarawan ng lungsod na ito.
Ipinagmalaki ng opisyal ng PCG na nagkapagsagawa na sila ng survey sa pagtatayuan ng mga parola sa Obando at Paombong.
Ang parola sa Masukol, Paombong ay naunang hiniling ni Mayor Donato Marcos noong Hunyo 30, 2011 sa pulong ng Regional Development Council ng Gitnang Luzon sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Ayon kay Villamin nakipag-ugnayan na rin sila sa pamahalaang bayan ng Obando at hinihintay na lamang nila ang paglalabas ng kasunduan sa pagdodonasyon ng loteng pagtatayuan ng parola sa Barangay Binuangan.
Hinggil sa parola sa Barangay Pugad, sinabi niya tinangka nilang suriin upang makumpuni ito noong Oktubre 2012 ngunit hindi na nila ito inakyat dahil sa pangambang bumagsak iyon.
“Deteriorated na ang pundasyon, nakalabas na ang mga bakal at yung hagdan ay kinalawang na,” ani Villamin.
Iginiit niya na delikadong akyatin iyon ng mga technician ng PCG dahil sa posibilidad na magiba.
Una rito, sinabi ni Dax Uy ng SMP na maaaring magtayo ng bagong parola sa Pugad na yari sa bakal ang tore.
Sinabi ni Uy na maaaring lagyan ng observation desk ang nasabing parola upang makaengganya ito ng turista.