Mga pari at opisyal mula Italya nagmisyon sa Bulacan

    357
    0
    SHARE
    GUIGUINTO, Bulacan——Pagdarasal at pagtitiwala sa Diyos ang mensaheng ibinigay ng mga delegado mula sa bansang Italya na dumating sa bansa para sa isang Catholic mission para kay Eugenio Vagni na bihag pa rin ng Abu Sayyaf hanggang sa kasalukuyan.

    Sa kabila ng usapin sa Italyanong miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na hanggang ngayon ay hawak pa rin ng Abu Sayyaf  sa Sulu ay nagtungo pa rin sa bansa sa kauna-unahang pagkakataon ang mga pari at mga halal na opisyal mula sa bansang Italya.

    Sa kasalukuyan ay nasa bansa ang mga delegado mula sa Cascia, Italy para sa pagsasanib pwersa ng naturang bansa at Parokya ni Sta.Rita de Cascia sa Guiguinto, Bulacan.

    Ayon kay Fr. Dars Cabral, parish priest ng Sta.Rita sa Guiguinto, taon-taon ay naghahanap ang naturang mga delegado mula sa Italya ng kanilang makakatuwang sa misyon ng parokya ni Sta.Rita De Cascia.

    Aniya, mapalad na napili ang kanilang parokya na kauna-unahan sa buong bansa at maging sa buong Asya.

    Ipinaliwanag pa ng pari, na hindi naging hadlang sa naturang mga delegado na magtungo sa bansa sa kabila ng hawak pa rin ng Abu Sayyaf si Vagni na kinidnap ng grupo ni Albader Parad noong January 15.

    Ayon sa pari, sa ganitong usapin ay lalong kailangan ng bansa ang partnership sa Basilica ni Sta.Rita sa Cascia.

    Ayon naman kay Prof. Gino Emili, alkalde sa Cascia, marami na silang napuntahan na mga bansa na mas kritikal ang usapin ng peace and order ngunit hindi sila natatakot na maglakbay.

    Mensahe pa ng naturang alkalde sa Italyanong si Vagni na hanggang sa kasalukuyan ay bihag pa rin ng Abu Sayyaf ang mataimtim na pagdarasal at pagtitiwala sa Diyos gaya ng ginawa ni Sta.Rita De Cascia noong ito ay nabubuhay pa.

    Sa kasalukuyan  ay makikita ang isang malaking torch sa Parokya ni Sta. Rita sa Guiguinto, Bulacan bilang simbolo ng pagsasanib ng pwersa ng dalawang parokya mula sa Italya at sa Pilipinas.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here