Mga pakinabang sa pagsulong ng impeachment trial

    471
    0
    SHARE

    Malapit-lapit sa katotohanan.

    Mga salitang naglalarawan sa mga SALNs, o statements of assets, liabilities, and net worth, na isinumite kamakailan ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan.

    Batay sa ulat, ingat na ingat sa paghayag ng SALN ang ating mga mambabatas pati na rin ang kalakhang kawani ng gobyerno. Ito ay sa dahilang naging hamon at inspirasyon dito ang kasalukuyang impeachment proceedings na hinaharap ng ating punong mahistrado Renato Corona.

    Ang naganap ay isang malinaw na pakinabang – sa ating gobyerno at bansa – bunsod ng pagharap ng pinakamataas na opisyal ng hudikatura sa reklamong “betrayal of public trust” na inihain ng House of Representatives.

    Pakiramdam ko, kagyat na tataas ang kita na maidedeklara at kasabay nito, ang pagtaas ng buwis na makokolekta ng BIR mula sa kitang tahasan ng idinedeklara ng mga kawani.

    Di hamak na mas matimbang na benepisyo ang matatamasa natin gaya ng pagdagdag na pondo para sa pampublikong gastusin dulot ng paghahangad ng ating mga opisyal na maging malinis sa mata ng taumbayan upang maging karapat dapat sa pagganap sa kanilang tungkulin.

    Maaaring ‘di maisasantabi ang paugong ng ilan na nagawa lang ito ng ibang opisyal upang makaiwas sa anumang kaso na maihanhantulad sa kinakaharap ngayon ni Chief Justice Corona.

    Ganun pa man, malayong mangibabaw ang naturang usapin sa mga kaliwanagan at pakinabang na dulot ng impeachment proceedings.

    Sa nakikita natin, dala ng hangaring maging malinis sa mata ng mamamayan ng ating mga opisyal, na pinapatunayan ng pag-iingat nila sa pagsumite ng kani-kanilang SALN, ay natabunan na ang puna na sayang lang ang gastos at panahong ginugugol para sa paglilitis na isinasagawa ng Senado.

    Sa simula nabanggit natin na palulusugin ng paglilitis ang ating demokrasya. Ngunit mapapansin natin na nagiging higit pa sa pagpapatibay ng demokrasya ang ating mararating.

    Oo, inaabangan natin ang hatol ng Senate Impeachment Court sa reklamong pagtataksil at pag-abuso sa tiwala ng taumbayan na hinaharap ng ating punong mahistrado.

    Subalit nagdesisyon na rin ang karamihan sa ating mga opisyal na simulan na ang pagbabago sa lalong madaling panahon, sa pamamagitan ng maingat at makatotohanang paghain ng kanilang mga SALN.

    Lalo na ngayon na nakita nating ginamit ng Ombudsman ang “waiver” na nilalagdaan ng bawa’t isang nagsusumite ng SALN upang pwedeng tingnan ng ahensyang ito ang mga tala sa bangko at mga dokumento hinggil sa nakasaad sa SALN na isinumite ng kawani.

    Napipinto na ang inaasam nating paglilinis sa pamahalaan tungo sa pag-unlad at katatagan. At ngayo’y lumakakas na ang kakayahan ng bansa upang makahulagpos sa tanikala ng korupsiyon na sumisira sa pag-unawa sa layon ng serbisyo publiko at pumipigil sa paglayag ng bansa tungo sa pag-unlad.

    Ngayon malinaw na sa atin na upang maging karapat-dapat sa serbisyo publiko, kailangan muna ang patunay na malinis ang ating hangarin.

    Una rito ang makatotohanang SALN at ang malinis na pamamahala, at kasabay din ang sipag sa pagganap sa mga tungkulin.

    Ang paglilitis kay Corona, ang pagsusuri sa kanyang mga naisumiteng SALN sa mga nakaraang taon, ay masusi ring binabantayan ng Civil Service Commission (CSC). At ngayon, pinag-aaralan na ng CSC kung anu-ano pang mga impormasyon ang kailangang ilakip sa SALN upang mapagtibay ang mga numerong nakalista rito.

    Mataas ang pagpapahalaga natin sa layunin ng ehekutibo na pinamumunuan ni Pnoy na tahakin ng pamahalaan ang tuwid na daan, gaano man ito kahirap, upang matuldukan ang korupsiyon.

    Ang panawagang ito ang siya ring naging inspirasyon ng mga miyembro at pamunuan sa House of Representatives na magsampa na ng impeachment complaint sa Senado laban sa punong mahistrado.

    Tayo ngayon ay gumagawa na nang tama at itinutuwid na ang ating mga dating kamalian. Kailangan natin ngayong maalagaan at mapayabong ang mga nakikitang kapakinabangan sa paghahanap ng katotohanan.

    Ito ang magtataguyod sa atin tungo sa paglilinis sa ating pamahalaan, sa pagkakaroon ng mabuting gobyerno, na siyang dapat na layunin ng bawat Pilipino.

    Pagbati mga Kabalen sa ating paggunita sa isa sa ating mga magiting na bayani, Jose Abad Santos!!!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here