Home Headlines Mga obra ni Blas Ople, inihandog sa Bulacan Provincial Library

Mga obra ni Blas Ople, inihandog sa Bulacan Provincial Library

129
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pormal na inihandog ng pamilya Ople ang mga akdang aklat at mga isinulat na artikulo sa iba’t ibang pahayagan ni Blas Ople sa Bulacan Provincial Library.

Iyan ang sentro ng pagdiriwang ng Ika-99 birth anniversary ng dating Senate President at Foreign Affairs Secretary na nakapagtala ng mahabang karera sa paglilingkod-bayan.

Pinangunahan ng kanyang apo na si Susane Laurie Ople-Osorio, pangulo ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute Inc., ang pormal na pagkakaloob ng nasabing mga libro.

Tinanggap ito ni Gobernador Daniel R. Fernando sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at may ilang sipi rin na ipinagkaloob sa mga dibisyon ng Department of Education sa Bulacan at Malolos.

Pormal nang ipinagkaloob ng pamilya Ople ang mga akdang aklat at mga isinulat na artikulo sa iba’t ibang pahayagan ni Dating Senate President at Foreign Affairs Secretary Blas Ople sa Bulacan Provincial Library. Ito ang sentro ng pagdiriwang ng ika-99 taong anibersaryo ng kapanganakan ng dating opisyal na tubong Hagonoy, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ayon kay Osorio, na nagsilbi ring panauhing tagapagsalita, layunin nito na mas maabot ng mga aklat na ito ang mga kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan, guro at mananaliksik na nais mapalawak ang kaalaman at kamalayan sa larangan ng leadership, foreign policy, labor relations at social security.

Mauugat na tumawid sa maraming administrasyon ang karera ni Ople sa paglilingkod-bayan mula nang kuhanin siya ni Pangulong Ramon Magsaysay bilang isang speech writer.

Ito’y nang mapansin ang kanyang husay at galing sa pagsulat sa isang pahayagan.

Hinirang naman siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. bilang isang commissioner sa Social Security System at ministro ng noo’y bagong tatag na Ministry of Labor and Employment.

Dito ibinalangkas niya ang Presidential Decree 442 o ang Labor Code of the Philippines ng 1974 na umiiral hanggang ngayon.

Ito ang nagbunsod upang sa pamamagitan ni Ople, mabuksan ang mga oportunidad sa mga manggagawang Pilipino na makapagtrabaho sa ibang mga bansa.

Para matiyak ang kapakanan ng mga manggagawa doon, itinatag ang Philippine Overseas Employment Administration na ngayo’y Department of Migrant Workers.

Sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino, hinirang siya bilang kasapi ng 1986 Constitutional Commission na bumalangkas sa kasalukuyang 1987 Constitution.

Nanungkulang senador mula 1992 hanggang 2002, kung saan naluklok siyang Senate President mula 1999 hanggang 2000.

Kabilang sa mga matagumpay niyang pagpabor sa ratipikasyon ng pagsapi ng Pilipinas sa World Trade Organization at ng Philippines-United States Visiting Forces Agreement.

Nang mahirang siya ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs, sumulong ang pagbalangkas sa Japan-Philippines Economic Partnership Agreement, nagpadala ng humanitarian troops sa Iraq War, naging Major Non-North Atlantic Treaty Organization Ally ng United States ang Pilipinas, at isinulong ang pagkakaluklok ng bansa sa United Nations Security Council para sa terminong 2004-2005. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here