Mga negosyante, estudyante nagtanim ng 3,000 bakawan

    509
    0
    SHARE
    PAOMBONG, Bulacan – Sama-samang nagtanim ng mahigit 3,000 bakawan ang may 50 negosyante, mga opisyal ng barangay at mag-aaral bilang paglaban sa nararamdamang epekto ng climate change.

    Ang pagtatanim ay pinangunahan ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) at isinagawa sa Barangay San Jose ng bayang ito noong Sabado, Marso 19.

    Pagkatapos nito, nilagdaan nila ang isang manipesto na nagsusulong ng patuloy na pagtatanim ng bakawan bilang panangga sa epekto ng climate change tulad ng erosion o pagka-agnas ng lupa na nagsisilbing dahilan upang bumabaw ang kailugan at mawalan ng tirahan ang mga isda.

    “Nararamdaman na natin ngayon ang epekto ng climate change at pinangangambahan ang ibubunga nito sa ating mga pamayanan,” ani Pinky Luna-Dy, ang bise presidente ng BCCI para sa kanilang mga adbokasiya.

    Nilinaw ni Luna-Dy na ang epekto ng climate change ay makakaapekto sa kabuhayan at produksyon ng pagkain.

    Ngunit para sa kanya, hindi pa huli ang lahat at sinabing, “we, in the BCCI believe the time to act is now.”

    Dahil dito, pinili nila ang Barangay San Jose sa bayang ito upang isagawa ang pagtatanim ng bakawan na bahagi ng kanilang unang adbokasiya.

    Sinabi ni Luna-Dy na maraming dahilan kung bakit napili nila ang nasabing lugar upang pagtaniman at pangunahin dito ay ang pagkawasak ng mga mangrove forest na unti-unting nauubos dahil sa polusyon.

    Bukod dito, sinabi pa niya na nakasuporta sa kanila ang Local Business Council ng Paombong at ang pamahalaang barangay ng San Jose.

    “Dati ay nagtanim kami ng puno sa bundok pero walang direktang barangay ang nagbenepisyo, pero dito sa Paombong, makikinabang ang barangay San Jose at yung mga opisyal nila ay nakahandang magbantay,” ani Luna-Dy.

    Inayunan naman ito ni Maria Cristina Gonzales, ang bise president ng BCCI para sa mga local business council.

    “Ayon kay Gonzales, minsan na rin siyang nakasama sa proyektong pagtatanim ng puno at iyon ay nagpabago ng kanyang pananaw sa buhay.

    “Naisip ko, kapag natanim na ng isang punong kahoy, para ka na rin nagtanim ng buhay dahil ang punong kahoy ay sumusuporta sa buhay,” ani Gonzales, na siyang nakipag-ugnayan sa pagtatanim ng bakawan.

    Sa panayam naman kay Jose Villanueva, kapitan ng Barangay San Jose, ipinagmalaki niya na mahigit sa 3,000 binhi ng bakawan ang naitanim sa kalahating araw na pagtatanim.

    Ang mga nasabing binhi ay pinitas ng mga kaibigan ni Villanueva sa mga puno ng bakawan na nakahanay sa kailugan ng Paombong at Malolos, samantalang ang iba ay kanilang tinipon habang naaanod sa ilog.

    Ipinaliwanag ni Villanueva na ang mga punong bakawan ay nakapagpapatibay ng mga pilapil ng mga palaisdaan, bukod sa nagsisilbing tahanan ng mga isda ang malalking ugat nito na nakalubog sa tubig.

    Sinabi niya na bukod sa Barangay San Jose, makikinabang din sa itinanim na bakawan ang mga barangay ng Binakod, Sta. Cruz at San Roque.

    Hinggil sa pag-aalaga sa mga itinanim na binhi ng bakawan, tiniyak ni Villanueva na bibisitahin nila ito buwan buwan, samantalang nagpaplano ang BCCI na bumisita makalipas ang isang taon.

    Kaugnay nito, ikinagalak ng mga mag-aaral ng Baliuag University (BU) ang kanilang pakikilahok sa pagtatanim ng bakawan.

    “Kakaibang karanasan ito hindi lamang dahil sa naiiba ang lugar,” ani Aries Pineda, isang mag-aaral ng Business Administration sa BU.

    Nilinaw niya na pakiramda nila ay bahagi sila ng pagsasalba sa kalikasan habang itinatanim nila ang mga binhi ng bakawan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here