ABUCAY, Bataan- Apat na araw noong Sabado matapos wasakin ng malalaking alon dahil kay Glenda ang maraming bahay sa Sitio Bakawan barangay Wawa, Abucay, Bataan, unti-unting nagpipilit bumangon ang mga mangingisda rito.
Dahan-dahan nilang iniipon ang pwede pang magamit sa pagtatayong muli ng kanilang bahay kasabay ng panawagan sa may magagandang puso at sa pamahalaan. “Tulungan sana kami kahit pako, kahoy, yero at pagkain,” sabi ni Alex Legutom, 44. Ayaw umano niyang magtagal ang asawa at tatlong anak sa barangay center kasama ng ibang pamilyang nawalan ng bahay.
Itinuro niya kung hanggang saan ang taas ng tubig sa pamamagitan ng bakas sa dalawang maliit na puno ng kahoy na umabot ng halos mahigit 10 talampakan ang lalim. “Naging dagat itong lugar namin at malalaki ang mga alon.
Iwinasiwas ang mga bahay namin,” sabi ni Legutom. Sinabi ng asawa ng isa pang mangingisda na nawalan din ng bahay na umaasa lamang sila sa rasyon para sa kanilang pagkain. “Ubos ang mga gamit namin, kahit panty wala na,” sabi nitong tumatawa.
Walang pinatawad ang ngitngit ng dagat. Bahay na gawa sa kawayan o semento ay bumagsak. Dalawang batang magkapatid ang nangangalkal ng basura. Grade 3 at walong taon ang babae at Grade 1 na anim na taon naman ang lalaki. “Sa center kami nakatira, pambili ng pagkain,” sagot ng babae sa tanong kung aanhin nila ang mapagbibilhan ng basura.
Iisa naman ang panawagan ng mga babae kasama ang mga anak na pansamantalang nanunuluyan pa sa Sitio Bakawan Center. “Damit at panimula para magkabahay uli. Wala kaming bahay, walang gamit kahit kutsara,” sabi ng mga ina.
Sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, 36 ang bahay na totally damaged at 50 naman ang partially damaged sa Barangay Wawa, Abucay. Sa 11 bayan at isang lungsod sa Bataan, 143 bahay ang totally damaged at 1,703 ang partially damaged.