“Paano na lang kapag wala na ako? Sino ang tutulong sa kanila?,” ito ang madalas sambitin ni Kuya Germs sa mga taong malalapit sa kanya.
Kung susumahin, mahigit 60 mga kabataan ang tinulungan ni Kuya Germs sa “Walang Tulugan with the Master Showman” at marami-rami na rin sa kanila ang unti-unting nakikilala tulad nina Jake Vargas, Hiro Peralta, Ken Chan, Prince Villanueva, Renz Valerio, Marlo Mortel, Michael Pangilinan at iba pa.
Dahil hindi naibalik ang “That’s Entertainment” youth-oriented program, ginamit niya ang kanyang “Walang Tulugan with the Master Showman” na maging bagong venue ng mga kabataang gusto niyang bigyan ng break.
Nasaksihan namin ang labis na pagkalungkot ng mga young talent ng WTWTMS dahil hindi na nila alam kung ano na ang kahihinatnan ng kanilang mga pangarap ngayong wala na ang kanilang discoverer, mentor at tatay-tatayan na si Kuya Germs.
Although hindi pa official, napag-alaman namin na ipagpapatuloy umano ang programang “Walang Tulugan” ng GMA.
Sa presscon ng pinakabagong TV series ng GMA sa taong 2016, ang “Wish I May” na pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali, hindi napigilan ng isa sa mga bumubuo ng cast na si Prince Villanueva, isa sa mga discoveries ni Kuya Germs, ang mapaiyak nang siya’y matanong tungkol sa pagyao ng kanyang tatay-tatayan.
Katunayan, nangako pa umano ang master showman na dadalo sa presscon ng “Wish I May” para suportahan si Prince.
Nakita rin namin ang lubos na kasiyahan ni Kuya Germs nang bigyan ang isa pang WTWYMS mainstay na si Ken Chan ng malaking break na magbida sa sarili nitong TV series, ang Destiny Rose.
Kahit napunta sa Kapamilya Network sina Marlo Mortel at Michael Pangilinan, ipinagmamalaki niya ang dalawa dahil hindi ito nakalilimot at paminsan-minsan pang sumisipot sa programa.
Samantala, kahit certified Kapuso si Kuya Germs, nagbigay-pugay sa kanya ang ilang programa ng Kapamilya Network tulad ng “It’s Showtime” at “Magandang Gabi Vice” ni Vice Ganda. Ni-replay sa MGB ang rare interview and guesting ni Kuya Germs sa programa ni Vice last Sunday evening.
Marami sa mga talents ngayon ng ABS-CBN ay natulungan din ni Kuya Germs lalung-lalo na si Billy Crawford na tatlong taong gulang pa lamang noon nang isalang ni Kuya Germs sa “That’s Entertainment”.
Kahit isa nang Kapamilya ang concert king na si Martin Nievera, hindi ito nag-atubuling magbigay ng isang special song mumber para kay Kuya Germs sa live telecast ng “Walang Tulugan with the Master Showman” na ginanap sa Mt. Carmel Shrine grounds. Bukod kay Martin, nagbigay din ng special song numbers ang Asia’s Queen of Song na si Pilita Corrales, Dulce and son David at iba pa.
Nagsidatingan din sa programa at burol ang maraming talents noon ng “That’s Entertainment” at ng “GMA Supershow”. Hindi rin napigilan ng misis ni Ogie Alcasid na si Regine Velasquez-Alcasid ang mapaiyak nang makita niya si Kuya Germs. Hindi nagtagal sa lamay ang superstar na si Nora Aunor at maging si Gloria Romero sa unang gabi.
Ngayong gabi ang magiging huling lamay kay Kuya Germs sa Mt. Carmel Shrine in Quezon City. Bukas ng umaga ay ililipat ang kanyang mga labi sa studio ng “Walang Tulugan with the Master Showman” sa GMA for an overnight vigil. Sa Huwebes, January 14 ay nakatakdang ihatid ang Master Showman sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.