Home Headlines Mga nabaha sa Bulacan tumanggap ng tulong mula sa pambansang pamahalaan

Mga nabaha sa Bulacan tumanggap ng tulong mula sa pambansang pamahalaan

475
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tumanggap ng tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Bulacan dahil sa habagat at mga bagyong Egay at Falcon.

Pinakamalaki rito ang P31 milyon na inilaan para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers kung saan nasa anim na libong Bulakenyo ang nabigyan ng pansamantalang trabaho ng Department to Labor and Employment (DOLE).

Nagkaloob din si DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ng halagang P3.8 milyon sa mga pamahalaang lokal sa ilalim ng Integrated Livelihood Program.

Kabilang dito ang P1 milyon para sa Sari-Sari Store Livelihood Kits sa 66 na taga-Meycauayan at P1 milyon para sa 50 may Dressmaking sa San Rafael.

Tig-P500 libo sa 25 Sari-Sari Store with Bigasan Livelihood Kits sa Paombong, 20 taga-San Miguel para kanilang Dagdag Kita at Kaalaman para sa Mananahi tungo sa Reporma at Tagumpay, at para Rice Retailing Package for Marginalized Informal Sectors sa 50 na taga- Angat.

Nagbigay ng katiyakan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Bulacan ng isang mabilis at epektibong pagkakaloob ng tulong mula sa mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal. (PCO)

May P300 libo para sa 15 ambulant vendors ng Kabuhayan Tungo sa Progreso ng Obando.

Sa kabilang banda, naglabas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P10 milyon para sa isang libong benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

May halagang P10 libo ang natanggap ng bawat isang benepisyaryo.

Para kay Edna Cruz, isa sa benepisyaryo ng AICS mula sa Calumpit, hanggang hita ang inabot na tubig baha sa loob ng kanilang bahay habang lampas dibdib sa labas. Marami sa kanilang gamit ang nalubog.

Plano niyang ipambili ang nakuhang ayuda sa mga pangunahing kailangang gamit sa bahay at gamit para sa mga bata.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, inisyal pa lamang ito dahil nasa P500 milyon ang inilaan ng ahensiya para sa iba’t ibang pang-agapay para sa Bulacan.

Bukod ito sa 75 libong Family Food Packs (FFPs) na nauna nang ipinadala ng kagawaran sa Bulacan at mayroon pang 105 FFPs na darating.

Target naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na matulungan ang nasa 200 na micro, small and medium enterprises (MSMEs) na pinaka naapektuhan ng malakihang pagbabaha sa Bulacan.

Sinabi ni DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon na ang unang 20 MSMEs ay pinagkalooban ng nasa P15 libong halaga ng mga paninda o mga kailangan sa partikular na hanapbuhay gaya ng salon, eatery, bigasan at sari-sari store sa ilalim ng Programa para sa Pagbangon at Paginhawa

Ang financial arm ng DTI na Small Business Corporation ay nagpautang ng tig-P300 libo sa dalawang MSMEs at isang P152 libo pa sa ilalim ng Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential Multipurpose Loan.

Samantala, iniabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nasa P33 milyong halaga ng mga tseke mula sa Presidential Social Fund ng kanyang tanggapan bilang tulong sa mga pamahalaang lokal sa pagtugon sa mga binaha.

Pinakamalaki rito ang P15 milyon para sa pamahalaang panlalawigan na pormal na tinanggap ni Gobernador Daniel R. Fernando.

Tig-P2 milyon naman ang ibinigay sa mga bayan at lungsod na pinaka naapektuhan ng pagbabaha gaya Bulakan, Calumpit, Bustos, San Ildefonso, San Rafael, Pulilan, Hagonoy, San Miguel at Malolos.

Tinanggap din ng Gobernador ang P4.3 milyong halaga ng mga binhi mula sa Department of Agriculture.

Makikinabang dito ang 3,988 na magsasaka ng palay, 671 na maggugulay, siyam na magmamais at mayroon ding bahagi rito para sa 713 na mga mangingisda. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here