Mga magsasaka sa Ecija, pinagkalooban ng binhi

    434
    0
    SHARE

    CABIAO, Nueva Ecija – Namahagi ang dalawang malaking grupo ng mga negosyante sa bansa ng 600 sako ng hybrid binhing palay upang itanim sa katumbas na 600 ektarya ng lupaing malubhang nasalanta ng nagdaang kalamidad sa tatlong bayan at isang lungsod sa lalawigan.

    Dinaluhan ni Vice Pres. Jejomar Binay ang pamamahagi ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry (PCCCI) sa unang 200 magsasaka sa bayang ito noong Linggo.

    Bukod sa Cabiao, ipinamahagi ang mga hybrid na binhing SL-8 sa piling magsasaka sa mga bayan ng Licab at Santa Rosa at San Jose City, ayon kay Rey. Arimbuyutan, pangulo ng PCCI-Nueva Ecija chapter.

    Sinabi ni Victoria Gaetos, regional governor ng PCCI, na ang aktibidad ay pinangunahan din nina PCCI Chairman Sergio Ortiz Luis at Pres. Francis Cua, Mayor Gloria Crespo-Congco at mga lokal na opisyal ng bayan at PCCI.

    Ayon kay Congco, mahigit sa 3,000 magsasaka sa kanyang bayan ang grabeng nasalanta ng mga bagyong “Pedring” at “Quiel”, pero positibo na rin niyang nakikita na may 200 na ang may posibilidad na makabawi dahil sa rehabilitation project ng PCCCI at PCCI.

    Umaasa siyang makakakuha rin ng ganitong suporta sa iba pang grupo. Ang bawat sako ng SL-8 hybrid, ayon kay Gaetos, ay nagkakahalaga ng P4,500.

    “Pinagtutulungan ito para malikom ang pambili ng binhi bukod sa donasyon ng SL-8,” ani Gaetos.

    “Napakalaki ng aming kailangan in terms of rehab,” ani Congco.

    Sa gitna naman ng pasasalamat sa tulong ng mga negosyante, nanawagan ang mga magsasaka ng subsidiya sa binhi.

    Ayon kay Rodolfo Linsangan, pangulo ng Irrigators’ Association (IA) sa Barangay Sta. Isabel ng bayang ito, malaking tulong kung mababawasan ng hanggang P1,500 ang halaga bawat sako ng binhi.

    Sa halagang ito, aniya, ay makakabili na ng bigas o iba pang mahahalagang bagay ang mga magsasaka sa panhon ng sakahan.

    Nangako naman si Binay na pararatingin kay Aquino ang kahilingan ng mga magsasaka na suportado ni Congco at mga lokal na opisyal.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here