Home Headlines Mga magsasaka, mangingisdang naapektuhan ng El Niño sa Bulacan tumanggap ng ayuda

Mga magsasaka, mangingisdang naapektuhan ng El Niño sa Bulacan tumanggap ng ayuda

473
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tumanggap ng tig P5,000 ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan ang mga magsasaka at mangingisda sa Bulacan na pinaka naapektuhan ng nakalipas na El Niño.

Kabilang na riyan ang nasa 1,039 na mga magsasaka ng palay mula sa bayan ng San Miguel at 30 mga mangingisda mula sa bayan ng Obando.

Ayon kay Provincial Agriculture Office (PAO) Head Gloria Carillo, nagmula ang pondo mula sa P5.3 milyong bahagi ng Local Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Fund ng Kapitolyo.

Base sa tala ng PAO, aabot sa 1,835 na ektarya ng lupang sakahan ng palay sa San Miguel ang pinakalabis na naapektuhan ng El Niño.

Sa bayang ito matatagpuan ang pinakamalaking sakahan sa Bulacan.

Ipinaliwanag ni Gobernador Daniel Fernando na minarapat ng pamahalaang panlalawigan na iprayoridad na matulungan ng lokal na DRRM Fund nito ang mga magsasaka at mangingisda dahil nakasalalay dito ang kanilang kabuhayan at ang seguridad sa pagkain ng mga Bulakenyo.

Tumanggap ng tig P5,000 ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan ang mga magsasaka at mangingisda sa Bulacan na pinaka naapektuhan ng nakalipas na El Niño.
Kabilang na riyan ang nasa 1,039 na mga magsasaka ng palay mula sa bayan ng San Miguel at 30 mga mangingisda mula sa bayan ng Obando. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Para kay Alberto Sacdalan, isa sa mga magsasakang taga-San Miguel na nagsasaka sa may 1.2 ektaryang palayan, magandang panimula ang halagang P5,000 upang makabawing muli sa ani at kita.

Nasa 50 kaban lamang aniya ang naani na palay sa isang ektarya na sadyang mababa kumpara sa 100 hanggang 120 kaban kapag walang El Niño.

Ilalaan aniya ang natanggap na tulong pinansiyal na pambili ng binhi.

Sa kanyang pagtataya, mangangailangan siya ng inisyal na tatlong sako ng binhi na may bigat na 40 kilo. Bawat isang sako nito ay nagkakahalaga ng P1,600.

Samantala, nangako rin ang Gobernador na magpapadala ang pamahalaang panlalawigan ng mga organic fertilizer sa nasabing mga benepisyaryo upang matiyak na matuloy ang pagtatanim ng ikalawang cropping.

Sinabi naman ni Carillo na inaasahan nang magsisimula ang Department of Agriculture na magsuri sa Bulacan kung sinu-sino ang mga naapektuhan ng El Niño na dapat pang pagkalooban ng tulong, bukod sa ibinigay ng pamahalaang panlalawigan.

Bukod sa tulong pinansiyal, pinabaunan pa sila ng Department of Social Welfare and Development ng mga family food pack.(CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here