Mga magsasaka, mangingisda humihingi ng subsidiyong petrolyo

    389
    0
    SHARE
    SAMAL, Bataan – Nagkaisang nanawagan ang mga magsasaka at mangingisda sa Bataan na pagkalooban din sila ng subsidiyo sa ginagamit nilang produktong petrolyo upang anila’y maibsan ng kaunti ang hirap ng kanilang buhay.

    Ayon kay Raul dela Rosa, leader magsasaka sa Samal, Bataan, matagal ng dapat nabigyan ng subsidy ang mga magsasaka dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng krudo na ginagamit nila sa kanilang waterpumps bilang patubig ng kanilang mga palayan.

    “Ang nakatatakot nga nito ay baka tumigil na sa pagsasaka ang mga magsasakang ang tanging gamit ay ang diesel-fed waterpumps dahil sa hindi na nila makayanang gastos sa irigasyon,” babala ni dela Rosa.

    Napapabuntong-hininga naman ang 70-taong gulang na magsasakang si Norberto Garcia ng barangay Ibaba, Samal, Bataan habang itinuturo ang araw at gabing umaandar niyang waterpump.

    Aniya, mula noong Marso 15 nang magpatanim siya ng palay, gumagastos na siya ng P9,000 sa krudo pa lamang na dati-rati ay wala pang P5,000 ang gastos niya. Tinataya niyang gagastos siya ng P40,000 sa krudo upang mapatubigan ang isang ektarya niyang palay na dati niyang ginagastusan ng P15,000.

    “Mahal na Pangulong Noynoy, dapat bawasan ng malaki ang halaga ng krudo dahil hindi na kami makabayad sa utang dahil sa krudo at pataba lamang napupunta ang aming inaani,” daing ni Garcia.

    Kasalukuyan namang nagpupulong ang mga lider mangingisda sa Balanga na halos ang daing ay tungkol din sa patuloy na pagtaas ng halaga ng gasolina at krudo na gamit nila sa kanilang mga bangkang pangisda.

    Sinabi ni Villamor Santos, consultant on fisheries ni Mayor Jose Enrique Garcia III,  na ang isang agenda nila sa pulong ay ang paghiling sa pamahalaan na isama ang mga mangingisda sa subidiyo.

    Malaki umano ang epekto ng patuloy na pagmahal ng produktong petrolyo sa kanilang pangisdaan lalo na sa fish processing. Marami na umanong nalulugi sa paggawa ng  tuyo na siyang pinaka-malaking produkto ng Balanga.

    “Mahal na Pangulong Noynoy, isama na po ninyo ang mga mangingisda sa subsidiyo,” panawagan ni Roberto Malibiran, isang lider mangingisda.

    Sinabi naman ng isang mangingisda habang nagbibilad ng bagong huli niyang isda na tumaas ang presyo ng tuyo sa P130 isang kilo mula sa dating P110 “dahil sa mahal ng gasolina.”


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here