Home Headlines Mga magsasaka delay sa pagtatanim, dagdag gastos idinadaing

Mga magsasaka delay sa pagtatanim, dagdag gastos idinadaing

493
0
SHARE
Si Melencio Domingo habang pinapaliwanag ang naging epekto ng pagbaha sa kanilang palayan. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG MALOLOS — Ngayon pa lang nagsisipagtanim ng palay ang mga magsasaka matapos na malubog ang kanilang bukirin dahil sa nakaraang mga bagyuhan at pagbaha.

Dapat ay buwan ng Hulyo pa nakatanim ang mga magsasaka dito pero nalubog ng baha ang nasa 77-ektarya ng mga palayan sa naturang barangay.

Ayon kay Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor, nasa isang buwan na silang delayed sa pagtatanim at malaki ang epekto nito sa kanilang hanapbuhay dahil sa Disyembre pa sila makaka-ani.

Idinadaing nila ang panibagong gastos na P25,000 kada ektarya sa pagbabalasa ng mga palay na nilubog ng baha.

Sa pagtaya nila ay 50 ektarya mula sa 77 ektarya ng palayan ang nalubog sa tubig na binabalasa nila ngayon kaya’t nananawagan din sila sa Department of Agriculture na sana ay matulungan sila na maibalik ang kanilang dagdag gastos sa pagbabalasa ng palay.

Dahil aniya sa muling pagtatanim ng mga palay ay nadoble na ang gastos nila sa kanilang bukirin.

Bukod sa dagdag gastos ay nangangamba sila na maalangan pa ang pag-ani dahil hanggang sa buwan lang ng Oktubre ang pagbibigay ng National Irrigation Administration ng supply ng irigasyon dahil ang schedule nito ay mula Hunyo hanggang Oktubre lang.

Kaya’t ngayon pa lang ay nananawagan na sila sa naturang ahensya na paabutin ng hanggang buwan ng Nobyembre ang supply ng tubig para makaani sila bago mag-Pasko.

Ani Domingo, sa ngayon ay mabagal ang kanilang pagtatanim dahil mahina ang daloy ng tubig sa mga irrigation canal dahil inihinto din ng NIA ang supply ng tubig noong kalakasan ng mga pag-ulan ng nakaraang mga linggo.

Ayon pa kay Domingo, nasa 7,700 kaban sana ang inaasahan nila na aanihin ng mga magsasaka sa kanilang barangay sa buwan ng Nobyembre na malaking tulong din sa bentahan ng mga palay sa gitna ng usapin ng pagtaas ngayon ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here