Home Headlines Mga katutubo sa Nueva Ecija, masisiguro na ang coverage sa PhilHealth

Mga katutubo sa Nueva Ecija, masisiguro na ang coverage sa PhilHealth

730
0
SHARE

Ang paggawad ng Philippine Health Insurance Corporation ID at Member Data Record sa mga katutubo sa Nueva Ecija. Ito ay pinangunahan nina PhilHealth Gapan Local Health Insurance Corporation Head Angelito Creencia, National Commission on Indigenous Peoples Nueva Ecija Provincial Officer Donato Bumacas, at Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative Board Member Emmanuel Domingo. (Camille C. Nagaño/PIA 3)


 

LUNGSOD NG CABANATUAN  — Sinimulan na ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang pagsasaayos ng membership ng mga katutubo sa Nueva Ecija.

Ayon kay PhilHealth Gapan Local Health Insurance Corporation Head Angelito Creencia, isinusulong ng tanggapan na mapabilis at gawing madali ang proseso upang maigawad agad ang rehistro ng mga katutubo sa lalawigan.

Aniya, bagamat may limitasyon sa pagtungo sa mga komunidad o tirahan ng mga katutubo dahil sa nararanasang pandemiya ay hangad ng PhilHealth na maabot ng mga serbisyo ang mga katutubo sa lalawigan.

Sa pamamagitan ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP Nueva Ecija Provincial Office ay naibibigay sa PhilHealth ang talaan ng mga katutubo na kailangang mabigyan ng PhilHealth Number o ID.

Pahayag ni Creencia, magpapatuloy ang gawaing ito hanggang sa maabot ang lahat ng mga katutubo sa lalawigan na kinakailangang maitala bilang mga miyembro o dependents.

Nakapaloob din aniya ito sa layunin ng Universal Health Care Law na pagkakaloob ng mga benepisyo at serbisyo sa lahat ng mga Pilipino kabilang na ang mga mamamayang katutubo.

Ayon pa kay Creencia, dahil sa kanilang sitwasyon at kalayuan ng mga komunidad ay hindi pamilyar ang ilang katutubo sa mga programa o serbisyo na maaaring matanggap mula sa PhilHealth.

Sa pagtutulungan at direktang koordinasyon ng NCIP at PhilHealth ay masisiguro na ang coverage ng bawat katutubo at kanilang mga dependent sa mga inihahatid na serbisyo ng tanggapan.

Batay sa talaan ng NCIP at datos mula sa Philippine Statistics Authority ay hindi bababa sa isandaang libo ang mga katutubo sa Nueva Ecija.

Kaugnay nito ay itinampok sa nakaraang pagdiriwang ng ikalimang taon ng Padit-Subkal Festival ay ipinamahagi ng PhilHealth ang ID at Member Data Record sa walong piling katutubo sa Nueva Ecija na kabilang sa unang talaang irerehistro. (CLJD/CCN-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here