LUNGSOD NG MALOLOS — Magkakasamang humarap sa madla ang may 51 kandidato para sa mga panlalawigang posisyon at sa pagka-kinatawan sa pitong distrito ng Bulacan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, upang sumumpa sa pagkakaroon ng Safe, Accurate and Free Elections sa pambansang halalan sa Mayo 9.
Dalawa sa limang kandidato sa pagka-gobernador ang nakiisa sa isinagawang Unity Walk at paglagda sa Peace Covenant na sina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado.
Sinamahan sila ng kani-kanilang katambal sa pagka-bise gobernador na sina Bokal Alex Castro at dating Gobernador Joselito Mendoza.
Sa mga kandidato para sa pagka kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, dumalo si dating Malolos City Mayor Danilo Domingo na tumatakbo bilang kinatawan ng unang distrito. Nakiisa rin si Tina Pancho na kandidato sa pagka kinatawan ng ikalawang distrito.
Sa ikatlong distrito, magkasamang dumalo ang mga kandidatong sina Kinatawan Lorna Silverio at Jessie Viceo. Iba pa rito ang pakikiisa ng mga kandidato sa pagiging bokal o board members sa bawat distrito.
Binigyang diin ni Acting Police Provincial Director Police Colonel Rommel Ochave na dapat maging neutral ang bawat pulis sa panahon man ng halalan o hindi.
Ipinaalala rin sa mga botante na bayaang maglaban ang mga plataporma ng mga kandidato at hindi pag-awayin ang mga tagasuporta.
Kaugnay nito, muling tiniyak ni Provincial Election Supervisor Rene Cruz Jr. na mabibilang nang mabilis at tama ang bawat boto sa halalan.
Samantala, naniniwala si Department of the Interior and Local Government Provincial Director Darwin David na mananatiling “peace-loving people” ang mga Bulakenyo dahil palaging nagiging mapayapa sa pangkalahatan ang pagdadaos ng mga halalan sa lalawigan sa nakalipas na mga dekada. (CLJD/SFV-PIA 3)