Home Headlines Mga kabataan, hinihikayat tumulong sa pangangalaga sa kalikasan

Mga kabataan, hinihikayat tumulong sa pangangalaga sa kalikasan

610
0
SHARE
Nagbahagi ng inspirasyon si Bambuhay Founder Mark Sultan Gersava hinggil sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan sa mga estudyanteng kalahok sa idinaos kamakailan na talakayang "Kilos Kabataan para sa Kalikasan" na inorganisa ng Philippine Information Agency. (Camille C. Nagaño/ PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Hinihikayat ang mga kabataang tumulong sa pangangalaga sa kalikasan.

Ayon kay Bambuhay Founder Mark Sultan Gersava, may magagawa ang mga kabataan para maingatan ang kapaligiran at likas na yaman.

Kaniyang ibinahagi sa mga estudyante ng College of the Immaculate Conception at Nueva Ecija High School kung paano nagsimula ang isinusulong na adbokasiyang pagiging makakalikasan.

Aniya, estudyante pa lamang siya nang magsimulang magtanim ng punong kahoy na may hangaring maibalik ang ganda ng kalikasan mula sa pagkasira na nagiging sanhi pa ng iba’t ibang uri ng sakuna.

Taong 2016 naman nang magsimula si Gersava na gumamit ng mga kasangkapang gawa sa kawayan bilang pamalit sa mga nakagisnang paggamit ng mga plastik.

Ito aniya ay maliit lamang na bagay na kayang gawin ng mga estudyante gayundin ang pagdadala ng sariling tumbler, ecobag at iba pang reusable items na makatutulong upang mabawasan ang mga napo-produce na basura.

Sa kasalukuyan ay isinusulong ng Bambuhay ang paggawa ng mga kagamitan mula sa kawayan tulad ng plantable bamboo toothbrush, straw, air purifier at freshener na kinikilala hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.

Ang kanilang plantable bamboo toothbrush ay kauna-unahan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo na itinanghal bilang 2022 Go Global Awards Product Innovation of the Year at Product Innovation of the Year in E-Commerce na ginanap sa Tallinn, Estonia.

Pahayag ni Gersava, ang kawayan ay maraming benepisyo na madali lamang itanim at mabilis tumubo.

Kaniya ring sinabi na ang pagkain ng labong na mula sa kawayan ay masustansiya at nakapagpapahusay ng memorya.

Sa pagsusulong ng adbokasiya sa pagkakawayan ay marami na ang kanilang natutulungang pamilya tulad ng mga katutubo, magsasaka, solo parents, out of school youth, former rebels at marami pang iba na kasama na sa pagtatanim at pangangalaga ng kalikasan.

Pahayag ni Gersava, laging nakabukas ang pasilidad ng Bambuhay sa Carranglan, Nueva Ecija upang bisitahin ng mga kabataan at iba pang organisasyon nang personal na makita ang mga ginagawang inisyatibo at inobasyon ng tanggapan.

Para sa ibang detalye ng mga programa at produkto ng Bambuhay ay maaaring hanapin ang kanilang website na bambuhay.ph.

Isa si Gersava sa mga naging panauhing tagapagsalita sa idinaos kamakailan na talakayang “Kilos Kabataan para sa Kalikasan” na inorganisa ng Philippine Information Agency sa Nueva Ecija. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here