Home Headlines Mga itinatampok sa Bida MSMEs Negosyo Center Trade Fair, dumarami

Mga itinatampok sa Bida MSMEs Negosyo Center Trade Fair, dumarami

563
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Dumarami ang mga produktong itinatampok sa Bida MSMEs Negosyo Center Trade Fair ng Department of Trade and Industry o DTI Nueva Ecija.

Sinabi ni DTI Provincial Director Richard Simangan na ngayong ikalawang taon ng naturang trade fair ay hinati sa dalawang batch ang pagdaraos ng aktibidad upang maipakita ang marami at ipinagmamalaking produktong gawa ng mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa lalawigan.

Matutunghayayan ang mga bago at maraming ipinagmamalaking produktong sa pagdaraos ng Bida MSME Negosyo Center Trade Fair ng Department of Trade and Industry. Ang ikalawang bahagi ng Trade Fair ay matutunghayan simula Nobyembre 16 hanggang 20 sa Waltermart San Jose. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Nabuo aniya ang trade fair dahil sa pagsusumikap ng mga Negosyo Center sa iba’t ibang bayan at siyudad sa lalawigan na ang layunin ay mag-develop ng mga bagong produkto at matulungan ang mga nagnenegosyo mula sa pagkakaloob ng libreng konsultasyon, pagsasanay, product development, packaging and labeling, hanggang sa pagsali sa mga trade fair at marami pang iba.

Hangad ng DTI na dumami pa ang matulungang mga MSME gayundin ay patuloy na mapaunlad ang pagnenegosyo sa bawat bayan at siyuad sa Nueva Ecija.

Pahayag ni Simangan, mahalaga para sa mga MSME lalo sa mga bago pa lamang sa negosyo na makapagbenta at makasali sa mga trade fair upang maipakilala ang kanilang mga produkto gayundin ay magsilbi itong agapay sa pagbangon mula sa naging epekto ng pandemiya.

Ang unang batch ay idinaos nitong unang linggo ng Nobyembre sa lungsod ng Cabanatuan na nilahukan ng nasa 35 food at non-food exhibitors dala ang mga produkto tulad ng crispy mushroom chips, calamansi juice, homemade pastries, kape, wine, bagoong powder, papaya kimchi, rabbit meat products, dried pusit, dilis, peanut butter, damit, accessories, housewares at marami pang iba.

Ang ikalawang batch ng naturang trade fair ay idaraos sa Waltermart sa lungsod ng San Jose mula Nobyembre 16 hanggang 20.

Inanunsiyo na din ng DTI ang idaraos na Pre-Christmas Trade Fair na gaganapin simula Disyembre 7 hanggang 13 sa Watermart San Jos.

Ang laging mensahe at panawagan ni Simangan ay patuloy na tangkilikin at bumili ng mga lokal na produkto at gawa ng mga MSME upang makatulong sa mga nagnenegosyo sa lalawigan. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here