Mga gurong Pinoy biktima sa Amerika ng kakaibang uri ng ‘human trafficking’

    642
    0
    SHARE

    May kakaibang uri ng human trafficking ngayon. Ang mga nagiging biktima ay mga propesyunal. Mga guro. Ito’y nangyayari ngayon sa Amerika.

    Hindi sila mangilan-ilan lang. Nasa libo ang bilang nila.    

    Ang mga biktima’y kabilang sa mga inalok ng trabahong magturo sa Maryland Prince George’s County Public Schools (MPGCPS) na tumayo bilang employer sa US sa pakikipag-ugnayan sa local na recruiter dito, ang Arrowhead.

    Nagsitungo na nga sila sa Amerika. Nagturo. Maayos na nakapagturo. Nagtiyaga nang husto, at okay naman ang performance. Dala ang pinagpipitagang tatak ng gurong Pinoy. Kumikita na ng dolyar.

    Maipagmamalaki mo talaga. Unti-unti nabubuo na nila ang pangarap ng maraming Pinoy, ang “American Dream.” Ngunit nangyari ang di inaasahan.

    Ayon sa Department of Labor (DoL) ng US government, may naganap na paglabag ang MPGPCS sa patakaran ng estado sa hiring of foreign immigrant workers, at ito ay sa ginawang pagkaltas ng $10,000 placement fee, through salary deduction, mula sa bawa’t guro.

    Hindi daw dapat pinapagbayad ng placement fee ang mga guro. Ang patakaran pala ng US government sa hiring of foreign immigrant workers ay “No Placement Fee Required” dahil ito ay sasagutin ng employer.

    Eh bakit ba sila siningil ng placement fee? Sinu-sino ang mga nakikinabang sa perang ibinayad ng mga guro, na kung susumahin natin ay aabot sa kabuuang halagang sampung milyong dolyar.

    May mga hinala tayo pero di pa natin maaaring matukoy ngayon. Ang matutukoy pa lang natin ay ang mga naging biktima. Ang humigit-kumulang isang libong guro, at ang kanilang mga nai-samang mga pamilya, maging ang mga umaasa sa kanila dito sa bansa.

    Naka-amba ngayon ang sapilitan at di-inaasahang pagpapa-uwi sa kanila sa Pilipinas. Sa isang iglap, ang salamin ng kanilang magagandang pangarap ay nabasag.

    Sa nalalapit na pag-expire ng kani-kanilang mga working visas, luhaan silang mapa-uuwi,  naghahanap ng hustisya sa kasalanang hindi nila ginawa, kundi kagagawan ng kanilang employer sa Amerika, kasama ang local recruiter dito – ang Arrowhead.

    Napakasakit.   

    Sa ngayon magiging napakahirap na pakiusapan ang DoL sa Amerika. Doon, ang batas ay batas, at ang mga dapat managot ay malalapatan ng parusa ayon sa kanilang batas.

    Ito ang naging desisyon ng DoL makaraang natuklasan ang pagkukulang ng nasabing kagawaran ayon sa ulat ng Partido ng Manggagawa:

    “The US Department of Labor found Maryland’s Prince George’s County Public Schools in willful violation of the laws governing the H1B temporary foreign worker program.

    The DoL cited the school district’s failure to pay the proper wages by virtue of deduction of fees that are supposed to be shouldered by the employer as required by law and its failure to maintain complete documentation.

    “The same decision also issues the following remedy as a penalty to the school district: (1) the school district is ordered to refund illegally collected fees to foreign teachers as back wages, and (2) debarring the school district for two years from participating in the H1B program.

    At face value it seems that this DOL decision is a victory to the foreign teachers who have been victims of illegal fees by their employers and also who have been the milking cow of placement agencies which practice shady recruitment schemes..”

    Take note po ang mga salitang “willful violation of the laws…”

    Lumilitaw mga kabalen na alam ng Prince George’s Country Public Schools na may ginawa itong paglabag sa H1B program ng estado sa hiring nila ng foreign immigrant workers, sa pakikipagtulungan, o dili kaya’y sa pakikipagsabwatan nito sa Arrowhead, sa pagsingil ng placement fees.

    Para sa akin, ito ay “indirect form of human trafficking.” Bakit? Una, may biktima. At sila ay ang mga 1,000 gurong Pinoy. Marami sila.

    Pangalawa, pinangakuan ang mga naging biktima. Sila ay hinikayat upang magtrabaho, binilog ang mga ulo. Napasunod. Okay nga naman ang offer.

    Pangatlo, may ilegal na ginawa ang employer, kasama na rin ang recruiter. May panlolokong naganap.

    Nakarating nga sila sa destinasyon ngunit pagdating doon, habang nagta-trabaho na sila, kinaltasan sila sa sweldo ng para sa placement fees, at napagsabihan na lang isang araw – bunsod ng natuklasan ng DoL — na may pananagutan pala ang kanilang employer para sa isang ilegal na ginawa sa kanila, ang pagkaltas o pagsingil ng placement fees sa halagang $10,000 kabuuan. Aray ku pu!

    Ipinaliwanag sa mga guro na labag sa US laws ang ginawang deduction sa kanilang sweldo para sa placement fees.

    Kaya parurusahan ngayon ang distrito ng public schools sa Maryland. Ipina-sasauli ang mga na-deduct sa sweldo ng mga guro bilang back wages. At pinagbabawalan na silang mag-hire ng guro mula sa ibang bansa upang punan ang pangangailangan nila para sa mga teachers.

    Dahil sa kasalanan ng PGCPS, ang public schools district ng Maryland, damay ang isang libong guro. Hindi na mare-renew ang kanilang mga working visas.

    Kapag nangyari yon, magiging ilegal na ang pamamalagi nila doon. Magiging TNT sila. Ang masakit pauuwiin sila ng sapilitan. For deportation. Wala silang pinagkaiba sa mga nagiging biktima ng human trafficking sa ibang bansa.

    Bakit sila ang dapat magdusa?    

    “Not our fault,” sigaw ng mga guro at nakasulat sa kanilang mga plackard nang mag-picket sila sa harap ng DoL building doon.

    Nagtungo ako sa Maryland kamakailan at nakapanayam ko ang mga biktimang guro. Nagtatanong sila, “Ano kaya ang pwedeng maitulong ng pamahalaang Pilipinas sa kanilang sinapit?”

    Wala silang kasalanan. Sila ay nakaltasan sa kanilang sweldo ng para sa placement fee. May agaran kaya silang magagawa kung nalaman man nilang ilegal nga yun?

    “Di bale na pong ‘di na maibalik ang binayad naming placement fee. Ang nais lamang namin ay makapagtrabaho pa sa Amerika, para matupad naman kahit paano ang mga pangarap namin,” sabi nila sa akin.

    Sa tingin ko napakalaki pa nga ng placement fee na siningil sa kanila. At eto pa… Di natin alam kung ano talaga ang naging kasunduan ng district schools bilang employer at ng recruiter na Arrowhead hinggil sa siningil – na alam nilang illegal – na placement fee. (Ni wala man reklamo ang mga guro sa binayaran nila.)

    At bakit tila walang pang nababanggit ang DoL sa maaaring pananagutan ng lumitaw na diumano’y kasabwat na Arrowhead?

    Ang binilin ko sa kanila, dapat nilang isagawa at ipaglaban ang kanilang legal na karapatan na magsampa ng demanda – o class suit —  para sa salang “fraud,” laban sa public school district na nag-hire sa kanila.

    Kailangan nilang kumuha ng immigration lawyer para matukoy na nagkaroon nga ng “fraud” o panloloko. Dito sila pwedeng ayudahan ng pamahalaan, bukod sa iba pang tulong na maaaring ibigay sa kanila.
    Sana’y mabigyan sila ng angkop na hustisya.

    Samantala naman, pinapayuhan ko ang aking mga kababayan na mag-doble ingat kapag nagbalak pumunta sa US para magtrabaho. Kailangan ding mapag-aralan ang kultura sa Amerika. Do not be afraid to ask questions if what’s being asked from you is in accordance with US laws.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here