BOTOLAN, Zambales — Matagal ng napatunayan ng kalabaw ang di matatawaran nitong lakas at pagiging tunay na maaasahang sandigan sa gitna man ng kalamidad.
Ang lakas ng kalabaw parang katulad ng lakas at tatag ng mga guro sa tuwing tatawid ng ilog o baha para makapagturo sa estudyanteng mga Ayta.
Sa kwentong ibinahagi ni Jezrell L. Doble, isang guro mula sa Barangay San Juan, Botolan, tuwing tag-ulan ay apat na oras niyang matiyagang binabagtas ang matutubig na daan at ilog sakay ng kariton ng kalabaw makarating lamang sa malayo-layong Poonbato Integrated School sa Sitio Boenlawak, Barangay Poonbato, kasama ang kanyang mga kapwa guro.
Kwento niya, dahil sa lahar na dulot ng pagputok ng bulkang Pinatubo, lumalalim ang tubig ng ilog tuwing tag-ulan kaya kariton ng kalabaw ang sinasakyan nila upang makatawid sa kabilang barangay.
Tuwing Linggo ang biyahe nina Doble sa eskwelahan habang Biyernes pagkatapos ng klase naman ang karaniwan nilang pagbalik.
Dugtong pa ng guro, hindi matatawaran ang tatag ng mga kalabaw lalong-lalo na ang mga kutsero pinapanatili silang ligtas.
“Sir Jezrell” sa kanyang 11 na estudyante, si Doble na isa ring Ayta ay adviser ng Grade 5.
Ayon pa kay Sir Jezrell, ang “passion” nilang mga guro na makatulong makapagbigay ng magandang kinabukasan sa mga bata ang nagtutulak sa kanila na mapagtagumpayan ang anumang pagsubok o panganib na laging nakaambang sa pagtawid sa ilog o baha sa kanilang pagtuturo. Photos courtesy of Jezrell Doble