LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Ibinenta ang mga gulay mula Mankayan, Benguet sa idinaos na KADIWA Retail Selling sa harap ng Bulacan Capitol Gymnasium.
Kabilang na riyan ang Baguio beans, Chinese cabbage, sayote, repolyo, broccoli, bell pepper, carrots, cauliflower, at pipino na naibenta sa abot-kayang presyo na P10 hanggang P70 kada kilo.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ang lalawigan ng Bulacan ay kaisa ng pamahalaang nasyonal sa pagpapatupad ng mga istratehiya na tutulong sa pagkamit ng kaseguruhan sa pagkain, gayundin sa pagbibigay ng ayuda sa mga producer ng pagkain upang maipagpatuloy ang produksyon ng abot-kayang produkto.
Ang KADIWA Retail Selling ay naglalayon mabenepisyuhan ang mga mamimili sa Bulacan at suportahan ang mga magsasaka sa Cordillera na nakararanas ng patuloy ng paglobo ng inaaning gulay partikular na ang mga repolyo at Chinese cabbage sa mga pangunahing local trading posts sa Benguet at pagkaunti ng pagbili ng mga trader na nagdudulot ng mataas na bilang ng mga hindi nabibili at bagsak presyong mga gulay.
Ito ay pinangunahan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ng Department of Agriculture Regional Field Office Cordillera.
Umabot sa 2,500 kilo ng sari-saring uri ng gulay na may kabuuang halaga na P40,000 ang naibenta sa loob lamang ng kalahating araw. (CLJD/VFC-PIA 3)