LUNGSOD NG MALOLOS – Tatlong district hospitals ang itinatayo sa halagang P26-milyon, samantalang dalawa pa ang nakatakdang pasimulan.
Bukod dito, dalawa pa ang ospital na naunang ipinagawa at gagawin ding mga district hospitals.
Ang mga pagamutang ito ay may bed capacity na 33 hanggang 56 na higit na sa 25 bed capacity na pangunahing kailangan upang matawag na district hospital (DH).
Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, ang unang tatlong DH ay pinasimulan na sa bayan ng Angat, Pandi at Obando; ang dalawa ay pinag-aaralang itayo sa bayan ng Marilao at Lungsod ng Meycauayan.
Ang dalawang pagamutang na iko-convert bilang DH ay matatagpuan sa mga bayan ng Plaridel at Norzagaray.
Batay sa tala ng kapitolyo, ang pagtatayo ng isang 50-bed capacity hospital ay nagkakahalaga ng P57-milyon.
Ngunit ang mga itatayo nila, kahit na umabot sa 56-bed capacity ay magkakahalaga lamang ng P26-milyon.
Ito ay dahil makabagong teknolohiya ang ginagamit ng ECF Metals Corp. na nakabase sa Lungsod ng Marikina sa pangunguna ni Ed Francisco na nagmula sa bayan ng Pulilan.
Ang ECF Metals ay itinatag ni Francisco noong 1985 at naging pangunahing supplier ng mga container vans sa shipping industry ng bansa.
Ngunit sa pagpasok ng mga produkto mula sa Tsina, humina ang negosyo ni Francisco kaya’t nag-isip siya ng ibang paggagamitan ng kanyang mga produktong container van.
Kabilang sa maaaring paggamitan nito ay ang mga gusali para sa mga ospital, pabahay o kaya ay mga silid aralan.
“Malaki ang matitipid namin sa tekcnolohiyang ito at maraming mga proyekto ang magagawa sa limitadong pondo,” ani Alvarado.
Ipinaliwanag niya na ang mga DH na kanilang itinatayo ay ginugugulan ng P20-milyon para sa konkretong gusali. Kasama rito ang emergency room, administration, x-ray room, mga kuwartong may 10-bed capacity at out-patient department.
“Hindi pwedeng matawag na district hospital kapag 10-bed capacity lang, kailangan ay 25 bed capacity, pero halos P50-milyon ang gagastusin,” ani ng gobernador.
Ngunit dahil sa teknolohiyang hatid ng ECF Metals, makapagtatayo ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ng mga DH sa mas mababang halaga.
Kung 46-bed capacity ang kanilang itatayo, gagastos lamang sila ng halos P26-milyon; at kung 33-bed capacity, gugulan lamang ito ng P23-milyon.
Ayon kay Alvarado, ang P20-milyon ay gagastusin para sa kongretong gusali pa, at ang P6-milyon ay para sa mga 46 bed capacity rooms.
Ngunit kung 33-bed capacity lamang ang kanilang ipagagawa, aabot lang ito sa halagang P23-milyon.
Kaugnay nito, ipinagmalaki ni Francisco na mas matibay ang mga gusali na gawa sa container van.
“It’s earthquake proof, fire proof, at hindi rin inaanay,” ani Francisco sa Punto.
Iginiit pa niya na kung lilindol ay hindi magigiba ang istrakturang yari sa container van dahil magsasayaw lang iyon.
Ipinaliwanag din niya na dahil sila ang gumagawa ng mga container van, maaari silang gumawa ng mas malalaki.
“Pwedeng made-to-order, katulad ng ginawa ko sa MMDA na 10 foot wide,” aniya patungkol sa isang istraktura ng Metro Manila Development Authority.
Ayon kay Francisco, ang isang regular na lumang container van ay nagkakahalaga ng P150,000 samantalang ang bagong gawa ay nagkakahalaga lamang ng P180,000.