Home Headlines Mga datos ng mga botante ng nakaraang 2025 election, burado na lahat.

Mga datos ng mga botante ng nakaraang 2025 election, burado na lahat.

144
0
SHARE
Si Comelec Commissioner Rey Bulay habang ipinapaliwanag ang mandatory deletion process para sa mahigit 66-Milyon Voter's Information Sheet ng nakaarang 2025 national and local election.
MEYCAUYAN CITY, Bulacan — Burado na ang lahat ng mga datos ng mga botante na ginamit ng nakaraang May 2025 national and local elections.
Kanina ay isinagawa ang Mandatory Deletion of Voters Information Sheet Data Files sa National Printing Satellite Office sa Meycauyan, Bulacan na pinangunahan ni Comelec Commissioner Rey Bulay.
Dito na natatapos ang huling procedure ng printing process ng 2025 mid-term election sa pamamagitan ng mandatory deletion of files na ginamit sa pag-imprenta ng National Printing Office.
Burado na sa Main Server, Annex Server at Data Base ang 66,527,048 Voter’s Information Sheet o VIS.
Ayon kay Bulay, ang pagbura ng nasabing mga datos ay itinatakda sa election code, Comelec en Banc Resolution at pagsunod din sa Data Privacy Act.
Kailangan aniya na burahin ang lahat mga datos ng nakaraang halalan para hindi na ito magamit sa ibang bagay lalo na ngayon na talamak ang identity theft at iba pang cybercrime.
Nilinaw niya na ang mga soft copy lang ng VIS ang binura at hindi ito makaapekto sa sinuman na nais na magprotesta ng resulta ng nakaraang halalan dahil nananatili pa rin ang mga hard copies sa mga ballot boxes na siyang ginagamit na ebidensya sa isang protesta.
Binigyan diin niya na ang mga balota naman ang gagamitin sa isang election protest at hindi ang mga soft copies sa kanilang data base.
Kanina ay tumagal ng limang minuto ang deletion process sa dalawang main server at tatlong annex server para sa mahigit 66-Milyon na voter’s information.
Burado na rin ito hanggang sa recycled bin at siniguro ng Comelec na hindi na ito marerekober ng kahit sino para magamit sa anumang paraan.
Tiniyak ng Comelec na ang mga binurang file ay walang backup at ito ay pinagbabawal sa batas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here