Mga bulaang propeta

    543
    0
    SHARE
    Ayon sa Bibliya, lilitaw ang maraming bulaang propeta sa mga huling bahagi ng panahon.

    Mukhang nasa huling bahagi na tayo ng panahon ngayon dahil sa dami ng mga manghuhula o propeta. Hindi nga lang malaman kung totoo o mga bulaan sila.



    Batay sa propesiya ni presidential deputy spokesperson Lorelei Fajardo, hindi raw matutulad si GMA sa pangulo ng bansang Honduras na si Manuel Zelaya.

    Si Zelaya ay sinipa ng miltar ng kanyang bansa na sinuportahan ng lehislatura at Korte Suprema ng Honduras.



    Simple lang ang kaso ni Zelaya. Tinangka niyang amyendahan ang Saligang Batas ng Honduras sa pagnanais na mapalawig ang kanyang panunungkulan ng higit sa isang termino.

    Nagalit ang mga Hondurans, kumilos ang military at dinala si Zelaya sa ibang bansa, kaya’t naputol ang kanyang laya na manatili sa kapangyarihan.



    Bilang reaksyon, nagsipaglabas naman ng kani-kaniyang propesiya ang mga Senador na sina Loren Legarda, Panfilo Lacson, Francis Pangilinan, at Francis Escudero na animo’y nakita na sa kanilang bolang kristal ang mga mangyayari sa susunod na panahon.

    Batay sa propesiya ng apat: Baka matulad si GMA kay Zelaya.



    Sabi ni Legarda, “the military coup in Honduras sends again a warning to the world, including the Philippines, that government leaders can be overthrown if they are overcome by their petty ambitions to prolong their hold on power in violation of the Constitution.”

    Giit ni Lacson, dapat ay magsilbing babala kay GMA ang kinahinatnan ni Zelaya.



    Payo pa ni Lacson, “She shouldn’t push her luck too hard. Baka ubos na swerte niya, hindi niya lang alam.”

    Babala naman ni Pangilinan, baka mag-coup d’ etat ang militar kapag pinilit isulong ang Con Ass.



    Hindi rin nagpahuli si Escudero ng ihayag niya ang kanyang pangitaing maaaring maranasan ng bansa ang karanasan ng Honduras.

    Pero para naman kay Fajardo, imposible ang mga pahayag ng apat na senador.



    Sa ngayon ay masasabing may punto si Fajardo. Ito ay dahil sa hindi pa natutupad ang Con-Ass.

    Pangalawa, nananatili daw suportado ng militar si GMA, ngunit ang tanong, “hanggang kailan.”



    Natatandaan pa ba ninyo ang mga bali-balita nong huling bahagi ng dekada 80?

    Hindi ba uso noon ang “coup for sale?”



    Sa kasalukuyan, masasabing may tsansang 50-50 na mangyari ang mga tinuran ng mga senador at ni Fajrado. Ibig sabihin, puwedeng mangyari, puwedeng hindi.

    Sa puntong ito, panahon lamang ang makapagsasabi kung sino sa ating mga ‘propeta’ ang bulaan at hindi.



    Ang problema, mag-coup d’ etat man o hindi, ang taumbayan ang magsasakripisyo, kung ang mga nanunungkulang hindi matuwid ay hindi mapapalitan.

    Ilang opisyal na sa Bulacan ang nasabi. Hindi sistema ng gobyerno ang dapat palitan, kundi ang mga nanunungkulan. Pero hindi nila sinabi na sila man ay dapat ding palitan.



    Marami ang nagsusulong ng “good governance” pero, alam nating hindi iyan sapat. Kumbaga sa pusoy, mayroon pang ‘better’ at ‘best.’

    Sa totoo lang, ang kailangan natin ay “righteous governance”, pero hindi iyan nangangahulugan na mga “pari” lamang ang may kakayahang mamahala ng matuwid.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here