Mga bilanggo humataw ng sayaw ala-Michael Jackson

    410
    0
    SHARE
    BALANGA City, Bataan – Mandi’y nahikayat sa inaaning tagumpay ng mga bilanggo sa Cebu, humataw ng sayaw ang mga inmates ng Bataan provincial jail bilang pasasalamat sa pagdalaw noong Biyernes ng mag-asawang Congresswoman Herminia at dating Congressman Tony Roman ng Unang Distrito ng Bataan.

    Ang 904 bilanggo, 72 sa kanila ay babae, ay sumayaw sa himig ng mga awitin ng namayapang Michael Jackson tulad ng “Billy Jeans” at “Sabay-Sabay Tayo” ng Kapuso star Marian Rivera.

    Halos hindi kumukurap ang mga bisita habang minamasdan ang sabay-sabay na pag-indak, giling ng balakang at ulo at galaw ng mga kamay at buong katawan ng mga sumasayaw sa ilalim ng araw.

    Buong tiyaga namang nakamatyag ang mga trustee habang tila masayang-masaya at waring nalimutan pansamantala ng mga bilanggo ang kanilang kalagayan.

    Sumabay pa sa kanilang pag-indak ang butihing kongresista at ang anak nitong babae na dumalaw sa Bataan kasama ang asawa nitong Espanol.

    Nag-ambag ng masasayang tugtugin at awitin ang bandang kinabibilangan nina Leny Angeles, Jun Bringula at iba pa.

    Nagbigay naman ng mga kahong-kahong gamot, damit, sabon at iba pang gamit ang mag-asawang Roman na labis na pinasalamatan ng mga bilanggo.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here