Home Headlines Mga benepisyaryo ng PPG sa Guimba, lubos ang pasasalamat sa DTI

Mga benepisyaryo ng PPG sa Guimba, lubos ang pasasalamat sa DTI

680
0
SHARE
Karagdagang puhunan ang kikitain ni Albert Cayanan mula sa bigasan package na natanggap sa programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa ng Department of Trade and Industry na malaking tulong para sa kaniyang rolling store. (Camille Nagaño/PIA 3)

GUIMBA, Nueva Ecija – Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG ng Department of Trade and Industry o DTI sa bayan ng Guimba sa Nueva Ecija na nabigyan ng mga livelihood starter kit.

Isa si Albert Cayanan, residente ng Santa Veronica mula sa nabanggit na bayan na tatlong taong nagnenegosyo ng rolling store, sa 106 benepisyaryong nakatanggap ng tig-walong kaban ng bigas o bigasan package mula sa programang PPG ng DTI.

Napakahalaga aniya ng mga ganitong programa para sa mga higit na nangangailangang mamamayan kagaya sa mga katulad na maliliit na negosyanteng pangunahing pangangailangan ay kapital sa negosyo.

Karagdagang puhunan ang kikitain ni Albert Cayanan mula sa bigasan package na natanggap sa programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa ng Department of Trade and Industry na malaking tulong para sa kaniyang rolling store. (Camille Nagaño/PIA 3)

Kaniyang ipinahayag na handa siyang lumahok sa mga pagsasanay na ibibigay pa ng DTI upang patuloy na matuto sa paghahanapbuhay gayundin ay magtuloy-tuloy at mapalago ang ibinigay na ayuda ng ahensiya.

Ito din ang payo niya sa mga kapwa benepisyaryo na lumahok at tangkilikin ang mga pagsasanay na ipinagkakaloob ng DTI at iba pang kagawaran ng pamahalaan para madagdagan ang mga kaalaman na makatutulong para maiahon ang kasalukuyang pamumuhay.

Maliban sa 106 na nabigyan ng bigasan package ay kasama din sa mga nakatanggap ng livelihood starter kit sa bayan ng Guimba ang 99 benepisyaryo ng sari-sari store package.

Ang halaga ng bawat livelihood starter kit na ipinamahagi ng DTI ay nagkakahalaga ng 11,340 piso.

Ayon kay DTI Provincial Director Richard Simangan, kaakibat ng distribusyon ng mga livelihood starter kit ay ang pagsasagawa ng iba’t ibang kasanayan sa pagnenegosyo kasama na ang business counseling, mentoring, at iba pa.

Nakasubaybay din aniya ang tanggapan sa mga benepisyaryo upang masigurong may patutunguhan at mapakikinabangan ng mahabang panahon ang ayudang galing sa gobyerno.

Lumahok mismo sa ginanap na pamamahagi ng mga livelihood starter kit si DTI Regional Director Leonila Baluyut na nagsabing nakaalalay ang ahensiya sa mga nais magnegosyo o magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan mula sa pagsasaka na pangunahing kabuhayan sa bayan ng Guimba.

Sa pamamagitan aniya ng natanggap na livelihood starter kit ay hangad ng ahensiya na makapagbigay ng oportunidad upang makapagsimula o mapalago ang kasalukuyang negosyo ng mga benepisyaryo, magkaroon ng kumikitang kabuhayan nang sa gayon ay may naipangtutustos sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Paalala ni Baluyut, bigyang halaga ang tulong na ito ng gobyerno hindi man gaanong malaki subalit tiyak ang oportunidad para mapatatag ang kabuhayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here