Home Headlines Mga Barangay Tanod nagpakitang gilas

Mga Barangay Tanod nagpakitang gilas

490
0
SHARE

SAMAL, Bataan: Nagpakitang gilas ang ilang Barangay Tanod upang masungkit ang titulong”That’s my Tanod 2024” ng Barangay Sta. Lucia sa isang programa dito  Biyernes ng gabi.

Ito’y isang proyekto ng Sangguniang Kabataan sa ilalim ni chairperson  Mitzie Malixi at Sangguniang Barangay ng Sta. Lucia  na pinamumunuan ni chairman Hector Forbes.

Isang paraan umano  ito upang pasalamatan at itampok  ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga Tanod sa barangay.

Ang pinakabata sa kalahok ay 49 taong gulang samantalang ang pinakamatanda ay 77 taon na ang bawat isa ay nagpamalas ng kanilang talent sa pag-awit at pagsayaw. Nagpagalingan din sila sa pagsagot sa tanong na may kinalaman sa kanilang gawain.

Si Mente De Leon, 59, ng sitio Benedict ang nagwagi bilang “That’s my Tanod 2024”  at bilang Best in Talent dahil sa kanyang fire dance.

Pinalitan ni De Leon si Gener Vinzon na naghandog ng magandang awitin sa saliw ng kanyang gitara. Si Vinzon ang “That’s my Tanod 2023.”

Nagkaroon din ng tinatawag na Kurakol Karziness sa harap ng barangay hall kung saan ang bawat sitio ay nagtanghal ng iba-ibang bersiyon ng sayaw.

Ginanap ang palatuntunan matapos umikot ang Santakrusan sa Barangay Sta. Lucia Biyernes ng hapon na hindi naging hadlang ang maalinsangang panahon upang maging masaya ito at saksihan ng maraming tao.

Nagsilbing sagala ang ilang mga bata at dalagita na talaga namang kaakit-akit sa kanilang mga gown samantalang ang magandang “Reyna Elena” katabi ang kanyang makisig na  “Constantino” ay nasa ilalim ng bulaklaking arko.

Bawat sitio ng tahimik na barangay ay umarkila ng kanya-kanyang sound system na ang nakakakiliting  tugtugin  ay sinabayan ng  pag-indak ng mga kalahok na waring walang kapaguran.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here