ITONG pagnanais ni Pangulong Digong
na pag-antala sa barangay eleksyon,
at ‘by appointment’ na itong isusulong
na pagtalaga sa pinunong pang-nayon
Kasama pati na barangay kagawad
(at iba pang dating ‘appointed’ lang dapat),
yan kaya sa ganang sariling panukat
ng ating Pangulo maisagawa agad?
At basta na lamang maipag-uutos
ng ni walang ‘bill’ na marapat isusog
o ‘amendment’ para maging batas lubos
ang ‘by appointment’ na nais mailusot?
Hati ang opinion ng Senate at Congress
sa nais mangyari ng ating President,
gayon din naman ang ‘totally aff ected’
sa naturang panukalang ‘by appointment’.
Sa dahilang imbes muling makahabol
para sa dati nang hawak na posisyon,
ya’y mawawalan na ng pagkakataong
makapanungkulan sa kanilang nayon.
Bunsod nga ng kapag sa ‘appoitment’ na lang
idinaan ang pagpili sa Kapitan
at mga Kagawad na kailangang ihalal
ay baka wala nang maupong datihan.
Dala na rin nitong sa gustong mangyari
ng administrasyon ni Digong Duterte,
kung saan pati pag-gasta na malaki
ng iba, tuluyan nang maisantabi.
At nang dahil na rin sa ‘appointed’ na lang
itong sa barangay ay manunugkulan,
gugugol pa nga ba ng oras at yaman
ang iba para lang sila maihalal?
Na karaniwan na r’yang nagiging mitsa
ng grabeng nakawan at pagkakasala
ng ibang Kapitan para mabawi niya
ang sa pagkahalal nalaspag na pera?
Bobo lang sa ganang aking paniwala,
ang ‘non-partisan’ daw ang nasa ibaba
o ‘barangay level’– na siyang akala
ng sa ‘barangay code’ tunay na may-akda.
Kasi, sa totoo lang, ay sina Kapitan
at mga Kagawad ng bawat barangay
ang unang kumbaga’y s’yang pina-tulay
ng mga alkalde sa tuwing halalan
Kasama pati na barangay kagawad
sa pangangampanya sa lahat ng oras,
na kung saan maging ang katiket lahat
nitong alin pa mang partido’y kabakas?
Kaya kung anila’y mga ‘non-partisan’
itong ating mga ‘barangay officials,’
maling-maling tayo aking kababayan
kapag yan ay ating pinaniwalaan.
Manapa, sa puntong nais ipatupad
ni Pangulo tayo sumuporta dapat
nang sa gayon itong kama-kamag-anak
na sistemang bulok mawala na’t sukat
Sa paghalal natin sa mga opisyal
na mamamahala sa ating barangay
ay maisantabi’t maburang tuluyan
kapag ang kay Digong itong nangingibabaw!