May mga reklamo at mga hinaing
ang ilan sa mga kababayan natin
isa ang naglakas loob na sabihin
kung ano ang nasa kanyang saloobin
sa munisipyo raw meron siyang napansin
mga amuyong ay naglipana na rin
Sa labas pa lamang daw ng munisipyo
ay marami na ang naka-abang sa’yo
mga amuyong na nakiki-usyoso
kapagka mayroong darating na tao
kahit hindi sila mga empleyado
ay nagtatanong kung ano ang pakay mo
Di tulad kung J. O. ang iyong nadatnan
gagabayan ka at ika’y tutulungan
ituturo sa’yo ang mga tanggapan
upang di maligaw sa’ yong pupuntahan
at pwede rin namang ikaw ay samahan
lalo na kung ikaw ay nag-aalangan
Kung ang sadya mo raw ay ang mayor’s office
sa paghihintay ay dapat kang magtiis
kung mainipin ka’t madaling mainis
ika’y magpupuyos na lamang sa galit
di umiiral ang first come first serve basis
dahil sa mayroong mga sinisingit
At sakaling ikaw nama’y makapasok
marami kang taong daratnan sa loob
ayon pa sa kwentong sa’kin naka-abot
sa mga usapan ay nakikilahok
ang mga amuyong na maghapon halos
na sa mayor’s office laging nakatanghod
Kaya’t ang taong may mahalagang sadya
sa harap ni mayor tipid magsalita
ang mga amuyong dahil naglipana
natural lamang na sila’y mahihiya
kahit na sino pang makapal ang mukha
kung may nakikinig di magsasalita
Lalo kung ang pakay hihingi ng tulong
o yung mga mayrong hihilinging pabor
kung may nakikinig na mga amuyong
sila’y mangingiming magsabi kay mayor
idagdag mo pa ang mga naka-miron
na palagian ng makikita doon
Ganyan ang eksenang ating makikita
di lang maynila kahit sa probinsiya
ang mga amuyong ay laging pabida
lalo sa kanilang mga kakilala
ang di nila alam ay naiirita
na ang karamihan sa gawain nila
Sa mga alkalde ng syudad at bayan
ang mga amuyong inyong pabantayan
madalas sila ang nagiging dahilan
sa pagkawasak ng inyong katauhan
at sila rin naman ang sanhi kung minsan
kaya natatalo kayo sa halalan