Si Commission on Elections Provincial Election Supervisor Fernando Cot-om. (Gabriela Liana S. Barela/PIA 3)
LUNGSOD NG TARLAC — Inilahad ng Commission on Elections o COMELEC ang mga panibagong alituntunin na paiiralin sa Halalan 2022 upang masiguro ang kaligtasan ng mga kandidato at botante mula sa COVID-19.
Ayon kay Tarlac Provincial Election Supervisor Fernando Cot-om, ipapatupad ng komisyon ang mga bagong guidelines sa pangangampanya at araw ng eleksyon bilang pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng publiko sa gitna ng pandemya.
Bagama’t tuloy pa rin ang in-person campaigning, giit niya, kailangang sundin ng mga kandidato ang mga itatakdang limitasyon gaya ng pagbabawal sa pagpasok sa mga bahay, pakikipagkamay, pakikipag-selfie, pagbeso-beso, pagbibigay ng pagkain o tubig, at iba pang pisikal na interaksyon,
Dagdag ni Cot-om, ang mga limitasyon na ipapatupad ay batay sa alert level ng isang probinsya.
Kaugnay nito, ibinahagi niya ang iba pang mga guidelines para sa Alert Level 2 kung saan sumasailalim sa ngayon ang lalawigan ng Tarlac.
Aniya, hanggang limang taga-suporta lamang ang maaaring isama ng isang kandidato sa pag-iikot at pangangampanya nito.
Para sa mga pagtitipon at caravan, kinakailangang masunod ang 50 porsyentong operational capacity sa mga pagdadausan ng aktibidad habang 50 porsyento seating capacity naman sa mga trucks at mini-trucks.
Binigyang-diin ni Cot-om na kinakailangang kumuha ng permit mula sa COMELEC Campaign Committee ang mga kandidato para sa kanilang isasagawang pangangampanya.
Malaki rin ang bahagi ng mga opisyal ng barangay sa pagsisiguro na nasusunod ang physical distancing, at pagsusuot ng face mask sa mga pagtitipon.
Samantala, sinabi ni Cot-om na dapat naka-face mask at face shield ang mga botanteng papasok sa mga voting precincts sa araw ng eleksyon sa Mayo 9.
Ang mga indibidwal na may mataas na temperatura o sintomas ng COVID-19 ay itatalaga sa hiwalay na silid-aralan o tent para sila ay makaboto.
Para naman sa mga nasa quarantine facility at ospital, iginiit ni Cot-om na hindi papayagang lumabas ang mga balota sa mga voting precinct sapagkat walang batas ang nagtatakda nito.
Sa mga voting precinct, lilimitahan din ang bilang ng mga watcher ng bawat partido upang maiwasan ang pagkukumpol ng mga tao sa loob ng silid-aralan.
Paalala niya sa publiko, maiiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa eleksyon kung gagawin ng bawat isa ang kanilang bahagi upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan.
Aniya, mahalaga ang eleksyon sapagkat ito ang pagkakataon upang palitan ang mga hindi karapat-dapat at bigyan ng panibagong mandato ang mga karapat-dapat na mamuno.
Nakatakdang magsimula sa Pebrero 8 ang campaign period para sa mga tatakbo sa Pagka Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senador at Partylist habang Marso 25 naman pormal na maguumpisa para sa mga tatakbong Kongresista, Gobernador, Bise Gobernador, Bokal, Alkalde, Bise Alkalde at Konsehal.
Magtatapos ang campaign period para sa lahat ng posisyon sa Mayo 7. Bawal mangampanya sa Huwebes at Biyernes Santo, Abril 14 at 15. (CLJD/TJBM-PIA 3)