Metro di kakapusin sa karneng baboy sa kabila ng Ebola-Reston virus

    463
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Hindi kakapusin ng karneng baboy sa panahon ng Kapaskuhan ang Metro Manila sa kabila ng pagkakadiskubre ng di nakakahawang Ebola-Reston virus sa mga babuyan sa Bulacan, Nueva Ecija at Pangasinan.

    Ayon kay Jun Espiritu ng Department of Agriculture sa Central Luzon tuloy pa rin ang supply ng karneng baboy sa kalakhang Maynila.

    “Yun lang identified farms ang under quarantine kaya sila lang ang  hindi makapaglalabas ng baboy,” ani Espiritu at iginiit na hindi nakakahawa sa tao ang nasabing virus.

    Kinumpirma niya na ang virus ay nadiskubre sa apat na babuyan na matatagpuan sa Pandi, Bulacan; Manaoag, Pangasinan;  Talavera at sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija.

    Sinabi naman ni Felipe Bartolome, ang provincial veterinarian ng Bulacan na batay sa resulta ng ikalawang pagsusuri, negatibo sa virus ang mga babuyan sa Bulacan.

    “Walang mortality sa Bulacan kaya walang dapat ikatakot,” aniya at sinabing hinihintay nila ang resulta ng ikatlong pagsusuri.

    Ayon kay Bartolome, ang Ebola-Reston virus ay natuklasan matapos magsumite ang  Philippine College of Swine Practitioners (PCSP) noong Agosto ng swine tissue sample sa  Foreign Animal Disease Diagnostic Laboratory ng United States Department of Agriculture.

    Layunin ng PCSP na masuri ang mga swine tissue upang matiyak kung anong uri ng strain ng Porcine Reproductive and Respiratory Syndrome Virus (PRRSV) ang naging dahilan pagkamatay ng mga baboy at biik sa Bulacan nooong nakaraang taon.

    Una rito, sinabi nina Agriculture Secretary Arthur Yap at Health Secretary Francisco Duque sa isang joint press briefing na walang dapat ikatakot ang publiko sa Ebola-Reston virus dahil hindi ito nakakahawa sa mga tao.

    Iginiit pa ni Yap na kakaiba ang Ebola-Reston virus sa Ebola virus na nadiskubre sa Afrika ilang taon na ang nakalilipas.

    Gayunpaman, pansamantala niyang sinuspinde ang pag-e-export ng Pilipinas ng karneng baboy sa ibayong dagat.

    Pinayuhan din niya ang mga mamimili na hugasan at lutuing mabuti ang bibilhing karneng baboy dahil namamatay ang virus sa init.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here