Mendoza, ika-2 gob na natalo sa protesta sa 89 taon

    317
    0
    SHARE
    MARILAO, Bulacan—Ikalawa at hindi unang gobernador ng lalawigan na natalo sa election protest si Gob. Joselito Mendoza, ayon sa historyador na si Jaime Corpuz ng bayang ito.

    Batay sa pananaliksik ni Corpuz na umakda sa librong Calendario Bulakenyo AD 900 -2007,  ang kauna-unahang gobernador ng Bulacan na natalo sa election protest ay si Juan Carlos ng Baliuag na nahalal noong Hunyo 1919.

    Ngunit bago matapos ang kanyang tatlong taong termino noong 1922 ay pinalitan siya ni Gob. Pio Valenzuela na noo’y bayan ng Polo, na ngayon ay lungsod ng Valenzuela at nasasakop na ng Kalakhang Maynila.

    Si Valenzuela ay nanungkulan bilang gobernador mula unang bahagi ng 1922 hanggang 1925.  Bukod sa panalo sa election protest laban kay Carlos, nahalal din si Valenzuela bilang gobernador sa halalan noong Hunyo 1922.

    Ayon kay Corpus, may pagkakahawig ang kaso nina Carlos at Valenzuela sa kasalukuyang kaso nina Mendoza at Gob. Roberto Pagdanganan.

    Una, nakarating sa Korte Suprema ang kaso nina Carlos at Valenzuela, at ito ang nagdesisyon sa nasabing kaso, na pumabor kay Valenzuela.

    Sa kasalukuyan, ang kaso nina Mendoza at Pagdanganan ay nasa Korte Suprema din, at hinihintay na lamang ang pinal na desisyon.

    Ikalawa, si Carlos ay kapartido sa Nacionalista Party (NP) ng sinundang Gobernador na si Nicolas Buendia, at siya ang pinili nitong kandidato laban kay Valenzuela na kasapi ng Partido Democrata.

    Sa kasalukuyan, si Mendoza ay kapatid at kapartido ni dating Gob. Josie Dela Cruz at ngayon ay kapwa kasapi ng Partido Del Pilar na nakipag-koalisyon sa Liberal Party noong Nobyembre 23.

    Si Pagdanganan naman ay nabibilang at kandidato ng NP ngayon sa pagka-kinatawan ng unang distrito ng Bulacan.

    Ikatlo, sinasabing nanalo si Valenzuela sa bilangan ng boto sa mga presinto, ngunit pagdating sa paglalagom ng bilang ng boto sa lalawigan na noo’y pinangasiwaan ni Buendia, lumamang at nanalo si Carlos.

    Ayon kay Corpuz, ang tala na ito ay batay sa librong inakda ni Fr. Dj. Arenas na may titulong “Valenzuela: Bayani at Bayan” na inilimbag noong 1997.

    Sa kasalukuyan, sinasabi naman ni Pagdanganan na nanalo siya sa bilangan ng boto sa mga presinto, ngunit pagdating sa paglalagom o canvassing ng boto sa lalawigan ay natalo siya.
    Ika-apat, sinabi ni Corpus, umabot ang boto ni Valenzuela sa 10,280 kumpara sa botong 7,178 ni Carlos matapos desisyunan ng Korte Suprema ang kanilang kaso at ideklarang panalo si Valenzuela.

    Sa kasalukuyan, inangkin ni Pagdanganan ang panalo sa halalan noong 2007, dahil batay sa resulta ng pagrebisa ng ikalawang dibisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa mga balota sa Bulacan ay lumamang siya ng botong 4,321 laban kay Mendoza.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here