Mendiola pinagsabihan na huwag na ulit tatakas

    436
    0
    SHARE

    Ikinagalak ni Justice Secretary Leila De Lima ang maayos na kalagayan ni Alfred Mendiola sa Bulacan Provincial Jail matapos na tumakas mula sa witness protection program ng Department of Justice.  Makikita sa larawan si De Lima habang kausap si Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado, samantalang nasa likod niya si Mendiola. Kuha ni Dino Balabo

    MALOLOS CITY—Binantaan ni Justice Secretary Leila De Lima na tatanggalin niya sa Witness Protection Program (WPP) si Alfred Mendiola kapag muli itong tumakas.

    Ito ay matapos bisitahin ng kalihim sa Bulacan Provincial Jail (BPJ) kahapon si  Mendiola na pangunahing saksi sa pamamaslang sa car dealer na si Venson Evangelista.

    Kaugnay nito, sinabi ni Mendiola na nais lamang niyang mapalapit sa kanyang pamilya kaya lumipat siya sa BPJ; at nanindigan na hindi siya tatalikod bilang state witness sa magkapatid na Dominguez, ang mga suspek sa pamamaslang kay Evangelista.

    Ayon kay De Lima, pina-iimbestigahan na niya ang ginawang pagalis ni Mendiola sa pagkakatakas nito sa kanilang safehouse.

    Pinayagan na rin naman daw niya si Mendiola na pansamantalang manatili sa BPJ ngunit magsusumite rin sila ng manipestasyon sa korte na si Mendiola ay wala na sa kanilang safehouse at nasa BPJ habang nakapending pa ang court decision kung saan talaga ito ilalagay.

    Ngunit kung muli aniyang gagawa si Mendiola ng violation sa Witness Protection  Program ay hindi naman umano mangingimi si De Lima na iterminate si Mendiola mula dito.

    Sa katunayan nga aniya ay napagalitan niya si Mendiola sa ginawa nitong pagalis sa kanilang kustodiya dahil sa inilalagay nito ang sarili sa peligro.

    Malaking responsibilidad kasi aniya nila si Mendiola.

    Hindi naman daw nila mapipilit si Mendiola na manatili sa kanilang safehouse at sa ganitong sitwasyon ay posible na lamang silang gumawa ng mga special arrangements.

    Dagdag pa niya, siniyasat niya ngayon ang piitan na tinunguhan ni Mendiola upang malaman ang seguridad ng witness at nakita naman niyang mas maayos ang Bulacan Provincial Jail kung ikukumpara sa National Bilibid Prison.

    Sabi pa niya na mas gusto naman umano ni Mendiola dito sa Bulacan Provincial Jail sapagkat malapit lamang sa pagdalaw ng kanyang pamilya at madami na rin kasi itong kakilala sa piitan na ito.

    Wala naman siyang nakikitang iregularidad sa nasabing piitan kahit pa ito’y siksikan na sa dami ng mga preso.
    Aniya ay marami namang nakalatag na programa ang ang mga namumuno dito upang maging busy ang mga detainees.

    Ayon naman kay Mendiola, humingi siya ng permiso kay De lima sa kanyang  ginawa.

    Sinabi niya na hindi siya tatalikod sa pagtestify sa mga kasong kinakaharap ng magkapatid na Dominguez.
    Dagdag pa nito, alam umano niyang maayos ang kanyang magiging lagay sa piitan na ito kung kayat dito siya tumuloy.

    Hindi naman daw siya tutuloy dito kung alam niyang malalagay sa peligro ang kanyang kalagayan.

    Ani Mendiola, mas magiging handa siya physically at mentally kung papayagan siya na umalis mula sa shelter ng witness protection program at pansamantalang  manatili sa nasabing piitan.

    Ngunit binigyang diin ni Mendiola na hindi naman daw siya tumakas mula sa DOJ  dahil hindi naman daw siya maituturing na isang detainee at mas nais lamang niya sa nasabing piitan dahil mas madali niyang makakausap ang kaniyang pamilya at  mga abogado.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here