Mayor, namimigay ng libreng lupa’t bahay?

    426
    0
    SHARE
    Pang-“Guinness Book of Records” na ang diskarte
    Ng isang last term na’t outgoing Alkalde
    Sa isang 3rd class na municipality
    Upang manalo ang gustong humalili

    Sa iiwang puesto para malamangan
    Ang kalaban nito sa pamamagitan
    Ng isang di man tiyakang panlilinlang,
    Pero may bahid ng kasinungalingan.

    At maituturing na uring “vote buying”
    Sa paraang ito kung paka-isipin
    Pagkat sinong tao ang di nanaising
    Magka-lupa’t bahay ng walang bayarin?

    Kundi iboto lang itong inindorso
    Ng mayor, at wala na maliban dito;
    Pero “in advance” ay ibibigay sa iyo
    Ang kung anong klase r’yan ng sertipiko.

    Na ang “letter head” n’yan ay logo pa mandin
    Ng munisipyo at itong sinasabing
    “Foundation” yata ng “Nayong Tsinoy Housing,”
    Na aywan kung saang lupalop nanggaling!

    At basta na lamang namigay at sukat
    Ng anila ay “Certificate of Award,”
    Na ang salitang sa papel nasasaad
    “has been accepted” lang – at walang “house & lot”

    O anumang bagay na pagbabasehan
    Upang matukoy kung ano talaga yan,
    Liban sa salitang “subject to compliance”
    Ng kung anong klase nitong patakaran.

    Pero obligado yata itong lahat
    Na magtrabaho r’yan ng mahabang oras.
    (Bilang kapalit ng umano’y “house & lot?”)
    Para sa manok ni Mayor Sogid Salnac!

    Ipagpalagay na po nating totoo
    Ang mga “house & lot” na pamitag nito,
    Sa akala kaya natin kabayan ko
    Ay mangyayari ang pinangakong ito?

    Matalo’t manalo ang kandidatura
    Ng manok ni mayor, may habol pa po ba
    Ang mga nabigyan ng “award” anila,
    Sakalit humantong na sa pag-“claim” nila?

    WALA NA! Pagkat ang alkaldeng nangako
    Ay lumayas na at posibleng nagtungo
    Sa kung anong lugar na napakalayo
    Upang matakasan ang ginawang liko!

    At kahit manalo itong inindorso
    Ng naturang mayor ay siyento por siyento
    Na wala rin tayong habol kabayan ko,
    Pagkat walang legal na sagutin ito.

    Kasi hindi si Mam itong nakapirma
    Sa “Certificate” na bigay nitong isa;
    At wala rin namang malinaw kumbaga
    Kung ang “foundation” ay totoo talaga
     
    Kaya sa puntong yan ay makabubuting
    Huag basta kakagat sa anumang uring
    Propaganda’t paglulubid ng buhangin
    Ng sinumang taong lumalapit sa ‘tin.

    Partikular na sa ating naging paksa,
    Na madali na nating mahihinuha,
    Kung sino talaga – pagkat popular nga
    Ang pang-akit nitong “house & lot” sa madla!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here