Sumailalim sa disinfection ang munisipyo ng Arayat matapos magpositibo si Mayor Emmanuel Alejandrino at pitong kawani sa Covid-19. Kuha ni Rommel Ramos
ARAYAT, Pampanga — Sinuspinde ng pamahalaang lokal ang distribusyon ng learning modules sa mga paaralan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso mg coronavirus sa lugar.
Sa ilalim ng Executive Order 10 S.2021, ay sinuspinde ang pamamahagi at pagsasauli ng mga learning modules sa mga mag-aaral sa buong bayan hanggang sa Abril 18.
Ito daw ay para maprotektahan ang mga guro at mga estudyante na makasagap pa ng virus sa pamamahagi at pangongolekta ng mga modules.
Batay sa pinakahuling ulat mg Arayat LGU, nakapagtala ang bayan ng 231 kumpirmadong kaso ng Covid-19 kung saan 75 dito ang aktibo habang 143 naman ang nakarekober at 13 ang namatay.
Samantala, nagpositibo sa Covid-19 si Arayat Mayor Emmanuel “Bon” Alejandrino. Siya ay nilagnat at nakaranas pag-ubo nitong Miyerkules at lumabas ang resulta ng swab test na nagpositibo nga ito sa virus.
Ani Alejandrino, pito din ang nagpositibo sa mga kawani ng munisipyo at agad niyang pina-disinfect ang mga opisina.
Ang mga opisina lamang ng MHO, MDRRMO at MSWDO ang nananatiling bukas habang ang ibang opisina ay naka work from home.
Bumubuti na daw ang lagay ng alkalde nakasalukuyang naka-isolate.
Sa ngayon ay nakakalat ang quarantine checkpoints sa mga barangay para maseguro na mapigilan pa ang pagkalat ng sakit.