Home Headlines May virus pa rin, paalaala ni Gov. Abet

May virus pa rin, paalaala ni Gov. Abet

1029
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA —  Nagpatuloy sa kanyang masidhing paalaala ngayong Martes si  Gov. Albert Garcia sa kanyang mga kababayan na may coronavirus disease pa rin sa Bataan sa ilalim ng pananatili ng lalawigan sa modified general community quarantine.

Wala pa, aniyang, natatagpuang lunas laban sa nakatatakot na virus kaya inamuki niya ang lahat na manatili sa mga tahanan kung hindi rin lamang kailangang-kailangan ang paglabas.

Kung hindi talaga maiiwasan na lumabas ng bahay ay siguruhing sumunod sa mga health and safety protocols lalo na ang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, at pagsunod sa tamang sukat ng social distancing,” sabi ng governor.

Ipinaalaala niya sa lahat na ang bawat isa ay may malaking responsibilidad hindi lamang sa pansariling kaligtasan kung hindi maging sa bawat isang nakakasalamuha.

Bagama’t, aniya, maraming gumagaling ay hindi pa rin nawawala ang paglitaw ng mga kumpirmadong kaso ng Covid19.

Batay sa report ng provincial health office kahapon, Lunes, may naitalang 12 bagong kumpirmadong kaso kaya umakyat ang kabuuang bilang nito sa 312 na ang 68 ay hindi pa gumagaling.  May 11 na ang nasawi.

Sa isang chart, ipinakita ni Garcia na hindi nawawala ang virus mula nang mapasailalim sa enhanced community quarantine hanggang maging MGCQ na ang Bataan.

”Maraming salamat sa inyong patuloy na pakikiisa, pang-unawa, at pagsunod sa mga umiiral na alituntunin sa ating lalawigan. Muli, hangad ko ang kaligtasan ng bawat isa,” sabi ng governor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here