May sakit na pawikan, napadpad sa Bulacan

    532
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Isang maysakit na pawikan na tinatayang nasa 30 taong gulang ang napadpad sa baybaying dagat ng Bulacan at ngayo’y nasa pangangalaga  na ng Department of Environment and Natural Resources CENRO Bulacan.

    Ang pawikan ay nasa lahi ng green sea turtle na tumitimbang ng 30 kilo ay natagpuan ng isang mangingisda sa isang baklad sa kailugan ng Barangay Pamarawan sa Lungsod ng Malolos.

    Ayon kay Belte Bartolome, kapitan ng baranggay Pamarawan, natagpuan nilang hinang-hina o tila maysakit ang naturang malaking pagong.

    Nang suriin ito ng kinatawan ng DENR-CENRO na si Gloria Abelin, OIC ng protection of wildlife in coastal zone management, may mga sugat ang green sea turtle sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

    Aniya, bukod sa mga sugat nito sa katawan ay may sakit din ang pawikan kayat napadpad sa baybaying dagat ng Bulacan mula sa Morong Bataan.

    Kanila umanong dadalhin ang pawikan sa Protected Area and Wildlife Bureau o PAWB upang obserbahan ang pagong at palakasin upang muling maibalik sa karagatan.

    Ito na ang pang-apat na pawikan na napadpad sa Bulacan mula pa noong 2003.

    Isang pawikan na tumitimbang ng 120 kilo ang natagpuan din sa Malolos noong 2006 ang nailigtas at nabuhay, ngunit ang nahuling pawikan noong nakaraang taon sa bayan ng Hagonoy ay namatay.

    Isa ring pawikan ang napadpad sa bayan ng Hagonoy noong 2003 na nabibilang sa lahi ng olive ridley at matagumpay ring naibalik sa karagatan.

    Ayon pa sa DENR-CENRO, dahil sa ang Bulacan ay bahagi din ng Manila Bay kayat naliligaw dito ang mga pawikan na karaniwang nakikita sa lalawigan ng Bataan.

    Anila, ang mga pawikan ay nabibilang na sa endangered species sa ating bansa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here