May iba pa bang solusyon, liban sa recall election?

    548
    0
    SHARE

    Ang usap-usapan na nag-uumugong
    Hinggil sa recall na isinusulong
    Laban sa sikat na priest-turned-governor
    Ay di na marahil simpling tsismis ngayon.

    Kundi seryosa na at yan ay posibleng
    Higit sa protesta ay may mararating,
    Liban na lang kung may mabago marahil
    Sa maraming bagay na kakailanganin.

    Kasi, ya’y di isang ordinaryong bagay
    Na basta na lamang maisusulong d’yan
    Nang walang sapat na rason o dahilan
    Upang makuha ang meritong kailangan.

    Sabi’y wala raw pong malversation of fund
    Sa ginawa ni Gob, kaya’t abswelto yan
    At tila malabo siyang makasuhan
    Ng administrative sa puntong naturan.

    Pero sa Perjury, kung saan si Among
    Ay di nagsumite ng kanyang totoong
    List of donations at naging expenditures,
    Ay baka humatong yan sa pagkakulong!

    Pagkat isa yan sa pinaka-mahigpit
    Na alituntunin sa mga elective
    Na opisyal bago maupo in office,
    Maging siya man po ang Chief Executive.

    Aywan lang, liban sa nasabing paglabag
    Na ating nabanggit sa gawing itaas,
    Ay may iba pa r’yang posibleng mahanap
    Upang mapadali ang kanilang balak;

    Na maisulong d’yan ang recall election
    Para mapatalsik sa puesto si Among,
    At maghahalal ng bagong Gobernador
    Bilang kapalit niya sakali’t matuloy.

    Kung saan posibleng si Lilia Pineda
    Ay isa marahil sa “best bet” kumbaga;
    Aywan lang kung itong dati’y hahabol pa
    Ngayong batid na niyang siya’y mahina na.

    At tila bawas na ang dating tiwala
    Ng mga kabalen nating ang paghanga
    Sa mag-amang Lapid ay biglang bumaba
    Nang ang income sa quarry lumaking bigla!

    And the rest, history nang maituturing
    Na matatala sa kasaysayan natin;
    Kasama pati na itong gaganaping
    Recall na ngayon lang mangyayari sa ‘tin.

    At dating alagad pa mandin kabayan
    Ng simbahan itong subject ng recall d’yan,
    Kung kaya di lamang sa ‘ting lalawigan
    Magiging paksa yan ng usap-usapan;

    Kundi pati na sa iba pang lupalop
    Kung saan posibleng ito ay umabot,
    Pagkat siya pa lang ang Paring naging guv
    At ngayon ay paksa nga po ng recall move;

    At di simpleng bagay na pupuede nga pong
    Basta ipagkibit balikat ni Among,
    Dahil diyan nakasalalay sa ngayon
    Ang pagkatao niya’t taglay na posisyon!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here