Ngayon naman ay ating pag-usapan ang ating kalikasan at ang problema ng climate change.
Dahil maraming problema na ating dinaranas dahil kapabayaan sa ating kapaligiran, likasan, ‘di na lang tungkulin ng pamahalaan ang pagkalinga sa ating kalikasan.
Ang ating papel na dapat gampanan ay higit pa sa isang tungkulin o kaya’y pagsunod sa batas at pag-ayuda sa mga maka-kalikasang gawain natin sa komunidad.
Ang pagpapahalaga sa kalikasan ay isang kalayaan na ipinagkaloob ng Diyos. Kaya naman ito’y ating dapat pagyamanin at huwag abusuhin. Nakita na po natin ang mga buhay at kabuhayang kapalit dahil lang sa pagsira sa ating kalikasan.
May kasiyahan namang dulot ang pag-aalaga natin sa kalikasan. ‘Di ba’t masaya tayo sa pagtatanim ng iba’t-ibang puno at halaman dahil ‘di lamang yayabong ang ating mga kagubatan, gaganda ang ating kapaligiran kasama na ang pagbango ng simoy ng hangin
Ngunit ngayon marahl ay higit na kakailanganin ang ating tulong para sa sa inang kalikasan. Tayo ay nadadamay sa malawakang epekto ng global warming na resulta ng “climate change.”
Gaano nga ba kagrabe ang pinsalang dulot nito? Isang “creeping disaster”ang climate change, sabi ng mga eksperto. Yan din ang tawag ng PAGASA sa mga kaganapang nakita natin kamakailan sa parteng Bicol, Visayas at Mindanao.
Hindi pangkaraniwang pag-ulan at pagbaha o kaya ay ang sobrang tag-init at tagtuyot ang sumasalanta sa ating mga pananim at sumisira sa kabuhayan ng milyun-milyon nating mga magsasaka.
Ayon sa mga siyentipiko, ang climate change ay nagdudulot din ng “underwater damage, and increasing sea water temperature.” Mayroong abnormal na pagtaas ng temperatura sa karagatan na nakakapekto sa coral reefs, nagdudulot ng coral bleaching at coastal erosion na naobserbahan sa 28 project sites sa iba’t ibang baybaying dagat sa ating bansa.
‘Di hamak na malaki ang epekto nito sa kabuhayan ng ating mga mangingisda. Ang unti-unting dagdag init sa karagatan ay naglulusaw ng mga mala-islang ice glaciers sa Antartica, at magpapalawak ng kabuuan ng tubig dagat. Tumataas ang sea level at may bantang lulubog ang mababang isla sa mundo.
Sa labas ng ating bansa, may mga matitinding blizzard sa Amerika, pagbaha sa Australia, at ang kataka-taka ay ang pagbaha na rin sa mga disyerto ng Sahara. Sa hindi kalayuan, ang ilang bahagi ng Mindanao na hindi naman dumaranas ng bagyo ay nakikita nating nakaranas ng flashfloods at matagalang pagbaha.
Lahat tayo sa mundo ay apektado,ngunit ang masaklap, mas matindi ang epekto nito sa kabuhayan ng mga“vulnerable sectors” — sa mga maliliit at mahihirap na komunidad sa ating bansa.
Malaking halaga na ang nawawala sa ating ekonomiya lalo na sa mga komunidad na apektado nito, tulad ng:
* P15.3 billion na average na taunang halaga ng pagkasira mula sa mga delubyong nangyari noong 1990 hanggang 2008.
* P106.99 billion na kabuuang halaga ng top nine deadliest typhoons na naitala sa ating kasaysayan na naganap nito lamang nakaraang dalawang dekada.
* P40.65 billion na halaga ng ari-arian at kabuhayang nasira dahil sa bagyo noon lamang 2009.
* P11.53 billion na epekto sa ekonomiya dahil lang sa Bagyong Juan sa ating agrikultura.
Hindi po ako nananakot. Talaga lang pong nakakabahala ang mga nangyayari.
At marahil alam na ng nakararami na ang mga lokal na pamahalaan pa ang may malaking problema sa kakayahang pasanin ang bigat ng dagdag krisis dulot ng climate change. Kaya lang sila rin ang unang hinihingan ng tulong tuwing ang ating mga bayan ay ang tinatamaan ng matinding sakuna.
Pinasimulan ko na ang paghain ng House Bill 3528, na kilala din bilang “People’s Survival Fund (PSF).” Ang isa pang tawag dito ng environment activists ay “Depensa Bill”.
Layunin nitong panukalang batas na bigyan ng depensa ang mga “vulnerable communities” mula sa pamiminsala ng climate change at bigyang suporta sa pamamagitan ng isang “reward fund” ang mga “adaptation action plans” ng mga lokal na pamahalaan at komunidad.
Sa tulong ng reward fund, mapabibilis at mabibigyang insentibo ang pagbubuo ng mga climate adaptation action plans sa local na lebel ng pamamahala. Naisasalin din nito ang climate change sa national planning at budgeting process.
Nakikita ko ang kagandahan ng PSF bilang isang“central source of funding support ” para sa mga “urgent adaptation activities” na kakailanganin sa mga apektadong kanayunan tulad ng karagdagang small water impounding facilities bilang paghahanda sa tagtuyot, at nang iba pang estrakturang magpapa-bawas sa epekto ng baha.
Makapagtanim din ng mga halamang nabubuhay sa tag-init at tagtuyot. Maging ang mga mangingisda sa mga coastal communities ay maaari ring magsagawa ng mga adaptation plans.
Saan pwedeng magmula ang (pondo para sa) PSF?
Marami. Kasama ang private at public, national at international sources, ngunit ‘di limitado sa mga sumusunod:
· Sampung porsyento ng mga cash dividends ne dineklara ng mga government-owned and controlled corporations.
· Bahagi ng “Certified Emission Reduction units earned under the UN-instituted Clean Development Mechanism and other domestic transactions utilizing the international carbon market.”
· Bahagi ng Motor Vehicle User’s Charge.
Gagamitin ang pondo (PSF) upang suportahan ang iba’t-ibang climate change adaptation programs at projects, alinsunod sa mga nakatalagang public accountability at fiduciary standards.
Sa ngayon po, may mga 80 kongresista ang pumirma ng pagiging ka-akda ng panukalang batas na ito.
Ako po ay nanawagan sa iba pa nating kasamahan sa Kongreso na ito ay suportahan at maging ganap na batas sa lalong madaling panahon.
Kailangan po nating ipagtanggol ang ating kabuhayan laban sa climate change.Kailangan natin ng depensa. Ang PSF ay ponding pang-agapay upang makaraos sa hagupit ng mga sakunang dulot ng pagbabago ng klima.
Mga kabalen, marami pa tayong mapag-uusapan tungkol sa pangangalaga ng kalikasan sa mga susunod kong kolum.
(Kung nais ninyong lumiham kay Cong. Erin, ipadala sa: Hon. Lorenzo R. Tanada III, Office of the Deputy Speaker, House of Representatives of the Philippines, Quezon City, o mag-email sa tanada.erin@gmail.com.)