IDINEKLARA NG yumaong Santo Papa ang taon na 2025 bilang Jubilee Year of Hope. Taon ng Pag-asa. Ano ba ang pinagmumulan ng tunay na pag-asa? Wala akong maisip na sagot sa tanong na ito kundi ang ipinagdiriwang nating Kapistahan sa Araw na ito sa ikalawang Linggo ng Pagkabuhay: ang Divine Mercy Sunday. Ano ba ang Divine Mercy sa simpleng Tagalog? Awa ng Diyos.
Sa isang teleserye, may eksena na bumibili ng gamot ang yumaong si Ate Guy. Pero sabay na bumibili ng gamot ang isang matandang ale na kulang ang pambayad. Dahil sa awa, isinoli ang gamot at sinabi: “Miss, di ko na kukunin ang gamot. Yung pera ko, ipandagdag mo na lang sa pambili ng ale. Mukhang mas kailangan niya.” Sabi ng babae: “Kailangan nyo rin po ito.
E paano naman kayo?” Sagot ni Ate Guy: “May awa ang Diyos.” Sa bandang huli, binigay na lang ng tindera ang gamot at sinabi, “Sige ho, kunin na nyo ito, ako na ang bahala, ibabawas ko na lang sa sweldo ko.” Sabi ni Ate Guy, “Naku, e ikaw, paano ka naman?” Sagot ng babae, “Naniniwala po kasi ako sa sinabi ninyo: May awa ang Diyos.” Ang nakakaranas ng awa ng Diyos, nagiging maawain.
Malakas ang dating ng kasabihang MAY AWA ANG DIYOS sa ating mga Pilipino. Ito ang madalas kong marinig na bukambibig ng mga taong malakas ang pananampalataya.
Nasasabi nila ito lalo na sa mga nasa gitna ng madilim na sitwasyon—na huwag masiraan ng loob. May pinaghuhugutan kasi silang maraming karanasan sa nakaraan na muntik din silang bumigay sa hinagpis at ngayon sila mismo ang tumatayong parang saksi para magbigay patotoo batay sa karanasan nila: “MAY AWA ANG DIYOS, HUWAG KANG MASIRAAN NG LOOB.” Kung importante ang pananampalataya sa buhay, importante rin ang pag-asa. Kaya siguro nasasabi ng matatanda – “Masira na ang lahat sa buhay mo, huwag lang ang loob mo.”
Ang pumapasok na image sa isip ko ay ang anay. Alam nyo ba na meron daw dalawang klaseng anay? Anay na pula at anay na puti. Yung pula, iyun yung malalaki at nagkakapakpak at nagiging gamu-gamo.
Nakikita natin silang gumagawa ng parang tunnel sa mga puno ng mangga. Pero ang sabi sa akin ng mga magsasaka, balat lang ang kinakain ng anay na pula.
Mas delikado ang anay na puti. Mas maliit pero mas matindi. Sumusuot kahit sa simyento. Di mo nakikita dahil ang type nilang kainin ay ang loob ng kahoy.
Kaya tuloy minsan, kahit mukhang buo ang poste ng bahay pwede palang gumuho ito kapag nginatngat ng anay na puti.
Katukin mo at malalaman mong balat na lang pala ang iniwan, parang sitsaron—buo sa labas, sira na pala sa loob. Ang dimonyo parang anay na puti. Hindi labas ang kinakain kundi ang loob.
Hindi lang kasi mga bahay natin ang inaanay. Mga tao din; mga pamilya din natin. Minsan parang ayos lang sa panlabas pero sira na pala ang loob.
Katulad ng kuwentong narinig natin sa ebanghelyo. Na-trauma sila sa mga nangyaring karahasan sa Jerusalem na natapos sa pagbitay kay Hesus sa krus.
Kaya sila nagkulong, nagtatago dahil sa takot na baka sila na ang susunod. Akala nila tapos na ang lahat. Ang magagandang pangarap na nabuo sa loob nila dahil sa pagsunod at pakikinig sa Mabuting Balitang pahayag ni Hesus ay parang nauwi sa masamang panaginip, isang bangungot.
Sa ganyang sitwasyon biglang nagpakita sa kanila ang Panginoon. Siya ang Larawan ng Divine Mercy—ang Walang Hanggang Awa ng Diyos na pinagmumulan ng pag-asa.
At ang mensahe niya ay—hindi pa tapos ang lahat. Ang Kuwento ng Diyos ay Kasaysayan ng Kaligtasan. Hindi pwedeng matapos sa trahedya.
May binuo akong grupo. Ang tawag namin sa sarili namin ay “The Storytellers’ Society Incorporated.” Nagsusulat ng mga Kuwentong galing sa tunay na buhay. At ang huwaran namin ay si Hesus mismo, na mahilig magkuwento.
Ang nagbigay sa amin ng inspirasyon ay ang yumaong direktor ng pelikula na si Marilou Diaz Abaya na isang propesyunal na kwentista, gamit ang medium ng pelikula. In-offer niya sa amin ang serbisyo niya bilang director na walang bayad, dahil ang main script ng talk show namin ay mga Sunday Gospel readings—laging galing sa Bibliya.
Minsan naikwento niya sa amin ang pinagdaanan niya, na dumanas pala siya ng depression at anxiety disorder, nagpa-psychiatrist, pero pinayuhan na humugot ng lakas sa pananampalataya, at iyon ang naging daan ng kanyang paghilom.
Sabi niya, kaya siya nag-volunteer sa amin ay dahil ibig niyang mag-aral ng Bibliya na para sa kanya ay nagtataglay ng pinakadakilang kuwento sa mundo. Wala daw kuwentong masarap isalaysay kaysa sa kuwento ng kaligtasan, kuwento ng Katubusan. Masakit, marahas, masaklap, may pagdurusa at kamatayan pero hindi doon nagtatapos. Dahil merong pagkabuhay.
Ang tawag niya sa Kasaysayan ng Kaligtasan ay Kuwentong may Happy Ending. Ginawa niyang motto: “I believe in happy endings; if it is not happy, then it’s not yet the end.”
Ito ang mensahe ng pagkabuhay—na kung kasama mo ang Diyos, hindi niya hahayaang tuldukan ng trahedya ang kuwento ng buhay mo, dahil Mabuting Balita ito.
Kuwento ng Kaligtasan. Minsan akala mo tapos na, hindi pa pala. Nagpapatuloy pa ang kuwento. At ang susi ay hindi pagtatago kundi pagsalubong, paghawi sa belong itim ng takot at pangamba upang masilayan ang mukha ng Diyos ng Awa.
Kung ibig mong magkaroon ng happy ending ang buhay, kung ibig mong mapalitan ng kapayapaan ang pagkabalisa, kailangang hayaang pumasok ang Panginoon sa ating mga puso at isip na madalas nagsasara kapag nasaktan, nasugatan at pinangunahan ng takot.
Gusto ko ang paglalarawan ng ebanghelyo sa ginawa ng Panginoon nang binulaga niya ang mga alagad na nagtatago sa takot. Hinipan daw sila.
Ang nanay ko noon, pag nasusugatan ako at natatakot na palagyan ng gamot ang sugat, sinasabayan niya ng ihip ng bibig niya para mabawasan ang hapdi. Paano nga naman gagaling ang sugat kung itatago mo ito? Magnanaknak lang ito sa infection. Ipahaplos mo sa nanay, para gumaling.
Ganyan din sa mga sugat ng kaluluwa. Minsan matagal nang nangyari matindi pa rin ang galit at hinanakit. Pinananatili lang natin ang pagiging biktima. Kaya matapos mahipan ng Panginoon ang mga alagad, isinugo sila—at ang pangunahing misyon ay: maging alagad ng Awa, matuto at magturo sa halaga ng pagpapatawad sa buhay—ang pagpupuno sa pagkukulang, ang pagtatali ng mga napatid na relasyon, at pagkakalag ng mga buhol sa buhay natin.
Tingnan mo ang ginawa kahapon ni Pope Francis—kamatayan pa niya ang nag-ugnay sa mga world leaders para mag-usap na walang media. Kaya ang title ng Pope ay PONTIFEX MAXIMUS: supreme bridge-builder. Dakilang Tagapag-ugnay.
Gawin nating conclusion ang huling bahagi ng ebanghelyo tungkol sa apostol na si Tomas. Hindi daw nakita o naranasan ni Tomas ang biyaya ng pagkabuhay noong una dahil wala siya roon noong nagpakita sa kanila ang Panginoong Muling Nabuhay.
Sa tingin ko wala siya dahil may tampo sa mga kasama. Pag may sama ng loob tayo, ang tendency, hihiwalay tayo, lalayo, mang-iisnab.
Pero pag wala namang nakakapansin, mapapagod ka rin, lalabas at babalik.
Kumbaga sa siga, ano ba ang mangyayari kapag hinugot mo ang isang nagliliyab na kahoy na panggatong at itinabi? Edi mamamatay.
Pero pag ibinalik sa apoy muling magniningas. Ganyan din sa pamayanang Kristiyano. Hindi mo mararanasan ang pagkabuhay kung lumalayo ka, humihiwalay, nagtatago ng sugat. Naganap lang ang salubong para kay Tomas nang haplusin niya ang sugat ni Hesus at isinantabi ang pag-aalinlangan. Noon niya naisigaw: “Panginoon ko at Diyos ko.”
Ilang beses nyo nang naranasan ang Awa ng Diyos sa buhay ninyo at napasigaw rin kayo ng “Panginoon ko at Diyos ko?” Sana pag nangyari sa inyo iyon, kayo naman ang maging saksi at magbigay patotoo sa iba—lalo na sa mga nasisiraan ng loob: MAY AWA ANG DIYOS.
(Homiliya para sa Divine Mercy Sunday, 26 Abril 2025, Jn 20:19-31)