Home Headlines May-ari ng kotse sa hit and run kinasuhan

May-ari ng kotse sa hit and run kinasuhan

732
0
SHARE
Narekober sa isang talyer sa siyudad ang kotse na sinasabing nakasagasa at nakamatay sa call center agent at malubhang nakasugat sa kasama nito. Kuha ni Armand Galang

LUNGSOD NG CABANATUAN — Hindi pa rin lumulutang ang driver ng isang pulang sedan na nakasagasa at nakamatay sa isang dalagang call center agent at malubhang nakasugat sa kasama nito sa bahagi ng Maharlika Highway, Barangay H. Concepcion kamakailan.

Ngunit pormal nang sinampahan ng kasong kriminal na reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries sa City Prosecutor’s Office ang may-ari ng sasakyan na nakilalang si Dereck Roque ng lungsod na ito, ayon sa pulisya.

Ang reklamo ay may docket no. NPS-III-05-INV-23-E-01445 na may petsang May 18, 2023.

Sa imbestigasyon ng pulisya, patawid ng lansangan ang mga biktimang sina Feliluz Tamayo, residente ng Barangay Cruz Roja, at Hannah Marie Castro, ng Barangay Caalibangbangan, parehong ng lungsod na ito, upang pumasok sa trabaho nang masagasaan ng kotse pasado alas-9 ng gabi noong May 9.

Sa kuha ng CCTV, hindi huminto ang kotse.

Binawian ng buhay si Tamayo samantalang hanggang sa ngayon ay ginagamot sa ospital si Castro, ayon kay Major Vinia Rocafort, public information chief ng Cabanatuan City Police Station.

Sa panayam nitong Lunes ay sinabi ni Rocafort na sa follow-up investigation ay natunton ang sasakyan sa isang talyer. Walang plaka at may mga bahid ng dugo nang marekober ang kotse ilang oras matapos ang aksidente, ayon sa pulisya.

Nakikipagtulungan naman ang mekaniko sa mga imbestigador, ayon kay Rocafort.

Nangangako aniya ang CCPS na hindi pababayaan ang kaso upang makamit amg hustisya para sa mga biktima. 

“Isu-subpoena po sila pa nang sa gayon po ay masagot po nila ‘yung demanda na naihain po sa kanila,” ani Rocafort. 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here