Matumal ngunit payapa ang special elections sa Bulacan

    360
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan—Payapa at tagumpay ang isinagawang special elections sa unang distrito ng Bulacan noong Sabado, Nobyembre 13 ngunit naging matumal ito dahil wala pa sa 50 porsyento ng rehistradong botante ang bumoto.

    Nilinaw din ng Commission on Elections (Comelec) sa Bulacan na hindi totoo ang mga agam-agam na failure of elections dahil sa matumal na halalan.

    “Peaceful at successful ang special election. Walang failure, dahil lahat ng presinto ay nag-function,” ani Atty. Sabino Mejarito, ang provincial election supervisor sa Bulacan sa panayam ng Punto noong Sabado ng hapon, Nobyembre 13.

    Sinabi niya na nagsimula sa oras ang botohan at walang naitalang insidente ng kaguluhan o karahasan sa unang distrito na binubuo ng mga bayan ng Bulakan, Paombong, Hagonoy, Calumpit, Pulilan at lungsod ng Malolos.

    Hinggil sa matumal na halalan, sinabi pa ni Mejarito na “wala tayong magagawa kung ayaw bumoto ng tao.”

    Ang araw ng pagsasagawa ng special elections ay idineklarang special non-working holiday ng kapitolyo sa pamamagitan ng isang resolusyon ng sangguniang panlalawigan noong Miyerkoles ng hapon, Nobyembre 10.

    Ito ay upang bigyang daan na makaboto ang mga botante ng unang distrito.

    Ngunit hindi pa rin nakumbinse ang maraming botante na bumoto kaya’t naging matumal na halalan na naitala sa halos lahat ng presinto sa unang distrito ng lalawigan.

    Ayon kay Mejarito, hindi umabot sa kanilang inaasahan ang bilang ng botanteng bumoto na umabot lamang sa 40.73 porsyento.

    Batay sa tala ng Comelec, ang rehistradong botante sa unang distrito ng Bulacan ay 341,368; ngunit ang bumoto noong Sabado ay 139,049 lamang o 40.73 porsyento.

    Sa pagmamasid ng Punto noong Sabado, kapansin-pansin ang pagiging maluwag ng mga pampublikong paaralang pinagsagawaan ng halalan kumpara noong May 10 automated elections at sa katatapos na barangay elections kung kailan ay nagsikip ang mga paaralan sa botante.

    Ayon sa ilang kasapi ng Board of Election Inspectors (BEI), parang walang interes bumoto ang mga tao.

    “Hindi pa nangangalahati,” ani ng isang babaeng kasapi ng BEI sa bayang ito na nakapanyam ng Punto bago magtanghalian noong Sabado.

    Ayon sa BEI, ang mga botante ay karaniwang nagdadatingan sa mga unang oras ng pagbubukas ng botohan.

    Ngunit kakaiba ang sitwasyon noong Sabado.  Tanghali na ay madalang pa rin ang mga botanteng bumoto.

    Inayunan ito ni Josefino Maclang, ang election officer ng bayan ng Pulilan na nagsabing minabuti ng ilang botante sa kanilang bayan na gumapas ng palay noong Lunes kaysa bumoto.

    Dahil naman sa mababang bilang ng botante na bumoto noong Sabado, may mga nagpahayag ng pangamba na baka madeklara ang halalan na “failure of elections.

    Ngunit ayon kay Mejarito, iba ang batayan ng pagdedeklara ng failure of elections.

    “Walang failure of elections, iba ang batayan diyan. Paanong magkaka-failure of elections eh, gumana ang lahat ng presinto, nakaboto ang tao, pero hindi nga lang bumoto ang iba,” ani Mejarito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here