LUNGSOD NG CABANATUAN – Masusing sinusuri ng mga imbestigador ng pulis ang mga ebidensiya, kabilang ang mga kuha ng CCTV, upang matukoy ang salarin sa pamamaslang sa isang opisyal ng Barangay Magsaysay Sur dito kamakailan.
Ayon kay Lt. Erwin Juan Gonzales, chief investigator ng CCPS, sinisilip rin nila lahat ng anggulo sa likod ng pamamaslang kay barangay kagawad Ronald Castillo, kabilang ang puliika at mga personal nitong aktibidad.
Si Castillo na dati ring punong barangay ay pinagbabaril ng riding-in-tandem habang kausap ng isang bantay bayan sa harapan ng barangay hall bandang alas-7:47 ng gabi noong June 6.
“Ang atin pong mga kasamahan, tulong-tulong po ang follow-up operations,” sabi ni Gonzales.
Sa ilang kuha ng CCTV ay makikita kung saan dumaan ang mga salarin matapos ang pamamaril, ayon sa pulisya.
Nagpahayag naman ng lubos na kalungkutan si Nueva Ecija 3rd District Rep. Rosanna Vergara sa nangyari kay Castillo na kanyang “inaanak sa kasal, kapatid sa Diyos, isang lingkod bayan at hinahangaan.”
“Salamat sa iyong araw-araw na pagpapadala ng mga salita ng Diyos mula sa Bibliya at ito ang isa sa mga bagay na hinahangaan ko sa iyo – ang iyong paniniwala na sa huli, mananaig ang kabutihan laban sa kasamaan,” ani Vergara sa isang social media post.
Aniya, labis niyang ikinalulungkot na nangyari pa kay Castillo ang karahasan na naging sanhi ng pagkamatay nina barangay chairmen Od Pascual ng Camp Tinio at Amboy Baltazar ng Gen. Luna.
Kasabay ng panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Castillo ay ang paniniguro ng kongresista na hindi nila pababayaan ang naulilang pamilya nito na si incumbent barangay chair Jackie Castillo at kanilang mga anak.